Una sa Balita

Wala sa hulog na prinsipyo

By
0 254

Aminin man o hindi, ang panahon ng pamumulitika sa bansa ay nagsimula na. Kung sabagay, sa mga politiko, politika ang kanilang almusal, tanghalian at hapunan.

Kahit ano pa ang sabihin, walang matatag na partido politikal sa bansa. Ang kilala lamang at gustong samahan ng mga politiko ay ang partido kung nasaan ang kasalukuyang nakaupo sa Malacañang.

Sa kasalukuyan na si PDU30 ang nasa Palas­yo, ang lahat ay gustong sumapi sa PDP-Laban. Pero noong panahon ng kampanya para sa 2016 Presidential elections, nasaan ang mga politikong ito?

Sa nangyaring ‘kudeta’ sa Kamara noong ikatlong SONA ni PDu30, ang PDP-Laban ay niyanig ng ‘leadership change’. Si Pantaleon Alvarez na Secretary General ng PDP-Laban ay mapapalitan na dahil wala na itong pangil at kapangyarihan.

Ang reyna ngayon sa Kamara at tinitingala ay si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na mula sa partido Lakas dati, ngayon ay PDP-Laban na.
***
‘Politics of convenience’ pa rin ang ka­lakalan sa buong bansa. Kung sino ang naghaharing uri, kung sino ang nasa Palasyo – kahit pa ‘palalo’, kayang-kaya ng mga politiko na maging hunyango.

Tingnan na lamang ang ang labanan ng puwesto sa Kamara, ang mga pangangatwiran ng mga politikong sakim sa kapangyarihan ay hindi maitatago.
Ipinaggigiitan ang sarili kahit wala sa hulog ang prinsipyo.

***
Ano ba ang mayroon sa mga puwestong pinag-aagawan ng mga ‘maginoong politiko’?

Pera ba? Mayayaman naman sila. Ang pinakahuling SALN ng mga mambabatas ang magpapatunay na lahat ng miyembro ng Kamara ay milyonaryo, o kung hindi man ay bilyonaryo. Kung mayroong mang ‘pobre’, kuwestiyonable pa.

Kapangyarihan ba? Hari na sila sa kanilang lugar o distrito. Kung hindi landlord ay mayroong malalaking negosyo. Tulad sa minahan, pagbabarko at ang pinakamalupit ay may nasasangkot sa iligal na negosyo tulad ng ‘narco’.

Kasikatan ba? Sikat na sila sa kanilang distrito. Kaya nga ilang araw lamang ang kanilang trabaho sa Kongreso, para ilaan at ibuhos ang buong linggo sa mga kababaryo na nagluklok sa kanila sa pwesto, maliban na lamang kung namili ng boto.

Wala talagang kasiyahan ang mga politiko para makuha lamang ang hangad ng puwesto, itataob ang kaldero kahit may umiiral na proseso.