Una sa Balita

Wala pang 3-point noon

By
0 177

Grade 3 pa lang ako sa Claret, siguro mga 10-year-old pa lang, ‘pag tinanong ako ng matanda kung ano favorite subject ko, ang isasagot ko: PE. Sabay tawa. Totoo naman. Kasi ‘nung panahon namin, wala naman masyadong libangan ang mga bata… walang cellphone, walang gadget, walang internet at walang cable TV.

Kaya limitado lang ang puwede naming gawin. Isa na nga doon ay ‘yung maglaro ng kung anong sport ang nakagisnan mo. Sa school, kada quarter, may isang sport na ipalalaro sayo… isang quarter sa basketbol, tapos football, tapos volleyball. Noong quarter na ‘yun, gagalingan mo at pag-aaralan ang laro.

Sa tatlong nabanggit, basketbol ang una kong nakursunadahan. Mayroon kasing ba­kery sa tapat ng bahay namin. May half court dun tapos kami ng kuya ko, dadayo para makipaglaro ng 2 on 2. ‘Yung natutunan ko dun, in-apply ko sa school.

Unang araw pa lang ng klase, tiningnan ko na kung ilan ang matangkad at mukhang marunong. Kasi kung madami na sila, wala na kong tsansa na maisali ng klase sa intrams, o sa malamang, bangko ako. Sa’kin kasi, ayos na ring hindi mag-champion basta makasama lang sa intrams at ma-experience ‘yung laro kalaban ang ibang mga section.

Sa una kong pasok, natawagan agad ako ng 3-second violation ng dalawang beses, sapat para ilabas agad ako ng coach namin. Hindi na ako uli pinasok dahil doon. Hindi mo rin naman ako masisi dahil wala namang 3-second violation sa half court na two on two. Ang inaral ko noon, mag- layup at magbantay ng pursigido. Wala ring mga three-point shot noon.

Ang intrams sa school namin ang u­nang simula ng mga simpleng laban ko noon. ‘Yung build-up ng kumpiyansa sa sa­rili, lalo na sa mga laro na dala mo ang iyong section. Hindi man kagalingan, pinilit kong magkaroon ng ambag para manalo ang koponan ko.

‘Dun pa lang, naeenganyo na ako na galingan para lagi akong mayroong mahabang playing time nang magaya ko ang mga pinanonood kong mga idolo sa PBA tulad nila Hubalde at Philip Cezar. Kasama sila ng Crispa team na la­ging panalo at mortal na kalaban ng Toyota noong panahong 1976. Sila ‘yung mga player ng Crispa na sinundan ko ang career hanggang sila’y magretiro. ‘Pag nagaya ang ilan sa galaw nila, tuwang-tuwa ako at may yabang na ang laro ko.

Magandang trai­ning ground ta­laga ang sports. Madami ang iyong matututunan. Pinakaimportante sa akin ‘yung kung paano tumanggap ng pagkatalo. ‘Yung pag-amin na may mas magaling sa iyo para mag-mature ka din sa buhay. May disiplina ka, may tiyaga, may talino at may tapang sa bawat laro at laban. Mga bagay na nagamit ko rin noong tumanda ako at makaisip mapunta sa buhay na mayroon ako ngayon.