Una sa Balita

Wala nga bang iregularidad sa 2020 budget?

0 319

aksyon lady
Kaye Dacer

Mabigat ang binitiwang pangako ni House Speaker Alan Peter Ca­yetano: Walang makakalusot na pork barrel, walang parking ng pondo at walang bahid ng korapsyon ang mabubuong 2020 national budget sa ilalim ng kanyang liderato!

Eh ‘di wow! Talagang ‘pag natupad ni Ca­yetano ang pangakong ito, tiyak na marami ang matutuwa at baka sakaling mapa-wow rin ang kanyang mga kritiko.

Sa mga nagdaang Kongreso, tila kasi na­ging normal na ang iba’t ibang iregularidad sa pondo at iba’t ibang katawagan na nga ang napatatak sa ating bo­kabularyo dahil sa mga palusot na ito tulad ng insertion, parking ng pondo at pork barrel.

Kung masusunod si Cayetano, hindi na mauulit ang mga kuwestiyonableng gawain ng mga mambabatas sa budget dahil ang kanyang target ay isang ‘constitutional, legal, transparent at accountable na budget’. At sana nga totoo rin na nakuha ni Cayetano ang commitment ng kanyang mga kapwa mambabatas na tutulong sila para masu­ring mabuti, matiyak na walang lulusot na iregularidad at hindi maantala ang pagba-budget.

Hindi nga ba’t muntik nang magkaroon ng pagkaantala dahil sa hindi pagkakaunawaan sa pagitan nina Deputy Speaker LRay Villafuerte at Davao City Rep. Isidro Ungab na chairman ng House Appropriations Committee?

Mabilis na nagpatawag ng mee­ting si Cayetano para maresolba ang isyu.

Matapos ang meeting, ipinahayag ni Cayetano na tapos na ang isyu at hindi na maaantala ang budget. At wala na ngang narinig mula kina Ungab at Villafuerte.

Kung ganito kahigpit ang pagbabantay ni Cayetano sa bawat kuskos-balungos sa budget at kung mahigpit na mababantayan ang budget ng bawat ahensya ng gobyerno, baka nga may pag-asang makabuo ng isang budget na malinis at walang halo ng korapsyon.

***

Malinaw na isinasaad ng Rule 114, Section 23 ng Rules of Court na ang isang akusado na nakakalaya sa pamamagitan ng piyansa ay maaaring damputin kung umalis ito ng bansa o kahit tangkain lang nitong umalis ng bansa nang walang pahintulot ng korte.

Kaya natin ito nabanggit ay dahil sa paglabas ng bansa ng kolumnista at China envoy na si Ramon Tulfo na nahaharap sa sangkaterbang libel case.

Kabilang sa nagkaso kay Tulfo ay si da­ting Justice Secretary Vitaliano Aguirre at Executive Secretary Salvador Medialdea dahil sa umano’y mapanirang mga artikulo.

Sa ating pagkakalaam, ang kolumnista ay nakakalaya sa bisa ng piyansa at hindi pinapayagang lumabas ng bansa nang walang pahintulot sa korte partikular sa Branch 46 ng Manila Regional Trial Court.

Ang tanong, nagpaalam ba ito sa korte sa kanyang paglabas ng bansa?

Pero dahil si Tulfo ay ‘special envoy for public diplomacy’ to China, kasama ito ng entourage ni Pangulong Rodrigo Duterte sa nasabing bansa ay exempted na ito sa ipinaiiral na rules of law?

May exemption ba sa kasong libel at sa mga alituntuning gumagabay rito?

Pasensya na at mas­yado tayong mausisa sa usaping ito. Ang tunay na layunin lamang naman natin ay malaman kung pantay nga ba ang pagpapairal ng ating batas.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy