Una sa Balita

WALA KAYONG MAGAGAWA!

0 180

Buong kumpiyansang sinabi ka­ha­pon ni Sen. Grace Poe, independenteng presidential aspirant, na wala nang magagawa ang kanyang mga kritiko oras na mahalal siya sa Mayo 9.

Reaksyon ito ni Poe sa paghahain ng motion for reconsideration (MR) sa Korte Suprema ng mga nagpapadiskwalipika sa kanya.

Sa ngayon ay ayaw umanong patulan ni Poe ang mga petitioners na kumukuwestyon sa na­ging desisyon ng Korte Suprema na pinapayagan siyang tumakbo sa pinakamataas na posis­yon sa gobyerno.

“Siguro wala namang mensahe sa kanila na tatanggapin nila. Hayaan mo na. Karapatan nila ‘yon kung gusto nilang mag-file, mag-file sila,” ani Poe.

“Hindi ako natatakot sa kanila,” dagdag pa ng senadora dahil ang pinanghahawakan umano niya ay ang desisyon ng Kataas-taasang Hukuman kung saan pitong mahistrado ang puma­yag na siya ay tumakbo, lima ang hindi at tatlo ang walang desisyon.

Ayon sa senadora, itu­tutok na lamang, aniya, nito ang kanyang panahon at lakas sa panga­ngampanya para maabot ang mas mara­ming tao at masabi ng personal sa mga ito ang kanyang mga gagawing kapag siya ay nanalong pangulo.

“Ang importante… kung meron ng desisyon ang ating mga kababayan at bumoto na sila, ‘yan ay pinakamatibay na ebidensiya na ikaw ay tinanggap at wala na silang magagawa doon, at wala na silang dapat gawin pa doon,” ayon kay Poe sa harap ng natipong mga tagasuporta sa pagbisita kahapon sa Bacoor, Cavite.

Tigilan mo ang mga magniniyog, Grace!

Umapela ang isang transparency group kay presidential candidate Sen. Grace Poe na huwag gamitin ang mga magniniyog bagkus ay tumulong para maresolba ang matagal na nilang ipinaglalabang coco levy funds kasabay ng pa­nawagan na huwag kampihan ang negosyanteng si Danding Cojuangco.

Ayon kay Filipino Alliance for Transparency and Empowerment (FATE) president Jennifer Castro, sa lantarang pagdepensa ng senadora kay Cojuangco, nangangamba ang mga coco farmers na lalong mababaon sa limot ang pagresolba sa coco levy funds kung si Poe ang mananalo sa May elections.

Pinuna pa ni Castro na ang kawalang malasakit ni Poe sa mga coco farmers ay ­mapapansin na kahit noong naka­upong vice chairperson ito ng agricultural committee sa Senado. Ni wala umano itong panukalang isinulong para sa distribusyon ng pondo sa mga coco farmers.

“Tingnan natin ang record ng senadora. Nu’ng Vice-Chair ng Agricultural Committee, dapat magpaliwanag si Senadora Poe bakit, kung bakit hindi naipasa ang bill sa Senado samantalang siya ang co-author nito. Huwag sana niyang gamitin ang sektor ng magniniyog,” pahayag ni Castro kasabay ng paghamon sa senadora na alamin ang kasaysayan ng coco levy sa halip na kumatig agad sa kabilang panig ni Cojuangco na pinagdududahan ngayong isa sa financier ng kampanya ng senadora. (Tina Mendoza)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy