Una sa Balita

Wala kasing multa! Kahit bawal, naliligo sa Manila Bay buhos pa rin

By
0 512

Aminado ang pamaha­laang lungsod ng Maynila na marami pa ring pasaway ang dumadagsa sa Baseco na sakop ng Manila Bay para maligo dahil sa kawalan ng parusa sa mga lumalabag sa swimming ban dito.

Sinabi ni Manila city administrator Jojo Alcovendaz na malakas ang loob ng mga taga-Baseco compound na magbabad sa baybayin ng Baseco sa dating Pier 7 sa Tondo dahil hindi naman sila makakasuhan at mahuhuli sa pag­labag sa ipinatutupad na swimming ban.

“Ipinagbabawal po ang paglangoy sa Manila Bay mula po sa kalsada ng Cortabitarte sa Quirino hanggang doon sa dating Pier 7 sa Tondo… Pero sa ordinance, bawal lang, walang penalty eh,” ayon kay Alcovendaz.

Sinabi ng mga barangay tanod na hanggang saway lang sa pagtatapon ng basura ang nagagawa nila dahil hindi nila mapigil ang mga ito sa paliligo.

Ayon kay Sabdullah Blah, barangay tanod sa BasecoNCompound, nawiwili ang mga residente at kalapit-lugar na maglunoy sa baybayin ng Baseco dahil libre at malinaw pa umano ang tubig dito..

Hindi rin umano natatakot ang mga taga-Baseco compound sa babala ng mga awtori­dad na marumi pa ang Manila Bay at hindi pa ito ligtas na pagliguan.