Una sa Balita

Wala dapat milagro sa P358B subway ni Tugade

By
0 5

Siguraduhin lamang na hindi mabahiran ng anumang katiwalian ang subway project na itinutulak ng Department of Transportation (DOTr).

Mahigpit itong paalala ni Senador Grace Poe, chairperson ng Senate Committee on Public Services, kaugnay sa napaulat na nakakalulang pagtaas umano ng halaga ng proyekto na mula sa halagang P277 bilyon na inanunsyo ni DOTr Secretary Arthur Tugade noong nakaraang Abril ito’y umabot na ngayon sa P358 bilyon.

Paglilinaw ni Poe, hindi na malaking isyu sa kanya kung tumaas man ang halaga ng proyekto, ang higit na mahalaga umano sa kanya ay masiguro na maisakatupatan ito nang walang anumang bahid ng katiwalian bilang pangunahing alternatibong mass transportation system sa Metro Manila.

“Project cost increase per se is something that worries me less for as long as we are assured that the implementation is corruption- free given the need to have alternative mass transportation system in Metro Manila,” ayon kay Poe

Bukod dito, kailangan tiyakin din ng pamahalaan na kumuha ng mga contractors at engineering firms na may sapat na kakayahan at taglay ang mahusay na rekord na makakapagpatupad ng proyekto sa tamang oras.

Nakaparami na umanong proyektong ginastusan ng milyun-milyong piso ng pamahalaan ngunit hindi pa rin nasosolusyunan ang problema ng pagbaha sa Kamaynilaan kaya nakakabahala na maaaring ito ang balakid sa subway system.

“Sa kabila ng milyong-milyong proyekto hindi pa rin lubusan na masolusyunan ang pagbaha lalo nasa Metro Manila na maaring maging balakid sa isang subways system. Kung ‘yung flyover nga natin binabaha, ano pa kaya ang nasa ilalim ng lupa,” ayon kay Poe.

Tinukoy pa nito na sa ibang bansa, dahil sa teknolohiya at galing ng mga kontraktor, nakakagawa umano ng mga tren na kayang tahakin ang ilalim ng karagatan kaya naman kung may kapasidad aniya ang mamamahala ng konstruksiyon, ay hindi rin malayong magagawa ang isang efficient na subway system sa bansa na mapakikinabangan ng mga Pilipino.