Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Wakasan ang pagkakakalat ng kasinungalingan

0 73

“I awoke this morning with devout thanksgiving for my friends, the old and the new.”

—Ralph Waldo Emerson

Habang sinusulat ko ang pitak na ito ako ay nasa sa ika-8 araw na ng aking self quarantine.

Sa katulad kong workaholic, sa loob at labas ng network, ang pagkulong sa bahay ay isang matindi at kakaibang karanasan.

Una sa isipan mo ang hindi ka makahawa. Hindi na ang sarili dahil infected ka na ng virus.

Ang kailangan mong isipin ay magpalakas at malabanan kung ano pa ang posible na grabeng epekto sa iyong sistema.

Mapalad ako na ang pumasok sa katawan ko ay hindi mapanganib. Ang naramdaman kong sintomas – ubo, pangangati at pananakit ng lalamunan at sipon.

Pero ang mga ito ay pasumpung-sumpong sa umaga at sa gabi, lalo na’t malamig ang panahon.

Hindi ako nagkaroon ng lagnat o pananakit ng ulo. Normal din ang oxygen level ko.

Bagama’t sa umaga ay may kaunting pagkahilo at pagkawala ng balanse.

Enjoy na ako sa pag-inom ng mainit na ginger with honey and lemon. Nakaka-relax ng lalamunan. Mabuti na lang pala at hindi rin ako nawalan ng pang-amoy at panlasa.

Pero hindi pa rin biro ang pag-iisa. Lalo na’t sa kabila ng pag-upgrade mo sa health status mo sa instagram, facebook at viber mayroon pa rin na gagawan ka ng ‘fake news’ at ikakalat na malala ka na at nakakaawa.

Na sa gitna nang pakikibaka mo sa sakit na kumitil na sa milyong buhay sa buong mundo, may mga naghangad pa rin na mamatay ka na. Ang dahilan – politika!

Saang lugar ng pagiging tao ang hilingin mo ang iyong kapwa na mabura na sa mundo? Hindi siya human nature na kahit pa anong galit mo sa isang nilalang ay di mo hihilingin na siya ay mamatay na.

Sa sobrang kalayaan na ibinigay ng social media platform at napasakamay pa ng mga makasariling nilalang, lalo lamang lumaganap ang kasamaan, inggit at galit sa bawat isa.

At para magtagumpay, hahayaan ito ng kasalukuyang mga lider sa buong mundo para manatili pa sa puwesto.

Panahon na itong wakasan. Ang pagkakalat ng kasinungalingan at kawalanghiyaan sa kapwa at dapat nang matigil.

Iluklok natin ang mga mambabatas na maglalagay ng ngipin sa social media platform. Magbabalangkas ng mga limitasyon at matinding parusa para di na sila magaya pa. At makapagpasa ng batas na tuluyang lulusaw sa kanilang impluwensiya para makapanira ng buhay ng iba.

Ito ay labanan na ng kabutihan at kasamaan. Saan kayo papanig?

Walang Personalan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.