Una sa Balita

Wakasan ang diskriminasyon sa LGBT community!

0 691

Nabahala talaga ako nang sobra doon sa nangyaring panghaharas kay Gretchen Custodio Diez, isang transgender na babae, sa isang mall sa Cubao nito lang nakaraang Martes, Agosto 13.

Ang gusto lang naman gawin ni Gretchen ay gumamit ng banyo para umihi. Pinigilan siya ng isang janitress sinabi sa kanyang bawal daw siya roon. Pagkatapos niyang i-video ang usapan nila ng janitress, dinala si Gretchen sa Quezon City Police Station sa Cubao at sasampahan sana siya ng unjust vexation. Pagkatapos ng ilang oras, nagpasya si Gretchen at ang janitress na hindi na lang sila magsasampa ng complaint laban sa isa’t isa. Pero iniisip pa ni Gretchen kung magsasampa siya ng kaso laban sa management ng mall. 

Humingi na ng tawad ang janitress, at naglabas na ng pahayag at hu­mingi na rin ng tawad ang ma­nagement ng mall. Pero mas malalim po dito ang isyu.

Ang Quezon City ay isa sa mga unang lugar sa Pilipinas na nagpasa ng Gender Fair Ordinance, o ordinansya laban sa diskriminisyon o pang-aapi ng kapwa base sa kanilang sekswalidad at kasarian. Mula pa po ito noong 2014.

Nakakabahala po na sa panahong ito, na hi­git limang taon na ang Gender Fair Ordinance sa Quezon City, ay may nangyayari pa ring ganitong pang-aapi sa ating kapwa tao. 

Gumaan ang loob ko na mabilis nagpahiwatig ng suporta kay Gretchen si Quezon City Mayor Joy Belmonte, at marami pang ibang tao. Pero sa pagkakataong ito, ang gusto kong itanong sa bawat isa sa atin ay: napakahirap bang magmalasakit sa iba?

Wala naman atang ginagawa si Gretchen na labag sa batas sa mall noong pumunta siya sa CR para umihi. Sa katunayan po, ayon sa mismong ordinansya ng Quezon City, dapat meron po tayong kahit isang gender neutral na CR sa lahat ng opisina at pambublikong mga lugar.

Sa ganitong pagkaka­taon po, mukhang may nakaligtaan ang management ng mall. Sana, kung sakaling mabasa po nila ito, ay sikapin nilang ayu­sin ang kanilang mga proseso at regulasyon para sumunod po tayo sa Gender Fair Ordinance ng Quezon City.

Isa rin itong pagkaka­taon para sa management na tingnan muli, at sana ay ihinto ang kontraktwa­lisasyon ng kanilang mga security at maintenance staff. Naiintindihan ko rin na mapanganib ang kabuhayan ng ating mga maintenance staff at security personnel.

Kadalasan kasi sila po ang unang serbisyong ina-outsource sa mga negos­yo, kung kaya’t madali lang silang mawalan ng trabaho. Ang kung alanganin ang status ng hanapbuhay ng isang tao, maliit ang pagkakataong magkaroon ng pag-unlad sa ating hanapbuhay at minsan dahil dito, may mga nagagawa tayong hindi naman natin ginusto sa ating kapwa dahil sa hirap ng ating sitwasyon. 

Maganda rin po siguro na magbigyan ng training ang ating mga staff at ma­ging ang ating mga ma­nager tungkol sa karapatan ng ating mga kaibigang taga LGBTQ+ community. 

Isa pa rin po itong patunay na panahon na po para sa SOGIE Equality bill. At napakasimple lang naman po ng kanyang layunin: ang pagprotekta o pagtatanggol sa mga karapatang pantao ng ating mga kapwa Pilipino mula sa LGBTQ+ community laban sa anumang disriminasyon, dahil tayo rin naman ay protektado ng batas.

Dahil ang mga karapatan na ito ay hindi na bago. Lahat po ng karapatan natin na nasa Konstitusyon, ay karapatan din nila. 

Sa Cubao CR incident, dalawa ang naging biktima. Ang isa ay biktima ng diskriminasyon, ang isa naman ay biktima ng endo. Tapusin na natin ang mga problemang ito. Ipasa ang SOGIE Equality bill. Ipasa ang Security of Tenure Law!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy