Una sa Balita

‘Wag pasilaw sa tulong ng China, WPS ipaglaban – VP Leni

By
0 720

NANAWAGAN si Vice President Leni Robredo nang maigting na pa­ngangailangan ng pagsasaboses para sa West Philippine Sea, sa gitna ng mga kaganapan sa teritoryong pinipilit angkinin ng China.

Aniya, hindi dapat masilaw ang sambaya­nan sa diumano’y pa­ngako ng China na tulungan ang ekonomiya ng bansa.

Idiniin niya rin na dapat dalhin ng pamahalaan sa tamang forum ang isyu, sa pamamagitan ng paghahain ng diplomatic protest at pagkilala sa desisyon ng International Arbitration Court sa The Hague noong 2016, na pumabor sa Pilipinas.

Sa kanyang talum­pati sa isang forum sa University of the Phi­lippines-Diliman nitong Lunes, muling idiniin ni Robredo na kailangang mas pagtibayin ng pamahalaan ang paninindigan para sa ating mga teritor­yo, dahil apektado dito lahat ng mga Filipino.

“Hindi lamang tungkol sa mga lipon ng mga maliliit na isla at pulo ang mga kaganapan sa West Philippine Sea. Simbolo ito ng ating higit na matimbang na laban para sa soberanya ng ating bayan, para sa kapakanan ng bawat Pilipino ngayon at sa mga susunod na hene­rasyon,” ani Robredo, isang araw bago niya pangunahan ang pagdiriwang ng ika-120 na Araw ng Kalayaan sa Luneta, Maynila, kahapon.

“Simple lang naman ito: Ang atin ay atin. Obligasyon nating pangalagaan ang ating teritoryo, pati na ang kapakanan ng lahat na nakatira dito. Hindi ito basta-bastang isinusuko o binibigay sa iba dahil lamang kinakatakutan natin sila. Kapag hinaya­an nating yurakan ang karapatan ng ating mga kababayan, at nailagay sa peligro ang ating lupang sinilangan, binibigo natin ang bawat Pilipinong umaasa sa atin,” dagdag pa niya.

Ayon sa Pangalawang Pangulo, natataon sa Araw ng Kalayaan ang mga panawagan na makilahok at makialam ang sambayanan sa isyung ito.

Ayon sa Bise Presidente, nasasaad sa Saligang Batas ang res­ponsibilidad ng bawat administrasyon na pa­ngalagaan ang kasarinlan at interes ng Pilipinas sa mga ganitong usapin — at mara­ming paraan upang ito ay magagawa sa pamamagitan ng dip­lomasya at pagkuha ng suporta ng international community.