Una sa Balita

‘Wag pasaway!

0 821

Matapos ang mahigit isang buwan na tatlo lang ang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) dito sa Pilipinas, nangyari na nga ang pinapangambahan natin na gulatan na bigla itong dadami.

Nitong nakalipas na mga linggo, marami ang tila nagdududa na sa kabila ng dami ng mga sinasabing patient under investigation, eh napako sa tatlo ang COVID-19 cases natin na pawang mga Chinese. Dalawa sa mga ito ang gumaling at nakabalik na sa China at isa ang nasawi.

Lalo namang lumakas ang pagdududa na baka hindi lubos na nasusuri o baka hindi inilalabas ng Department of Health (DOH) ang tunay na bilang ng infected nang iulat nitong nakaraang linggo na may dalawang dayuhan (taga-Taiwan at taga-Australia) ang nagpositibo sa virus matapos manggaling sa Pilipinas.

Ngunit duda pa rin ang mga opisyal natin sa DOH kung dito nila nakuha ang virus sa Pilipinas kasi nga eh wala namang nadagdag sa tatlong positive cases. Kung tutuusin, dapat nga eh masaya tayo kung walang nagpopositibo sa virus. Pero bakit kaya duda sila sa DOH? Hindi ba mapagkakatiwalaan si Health Secretary Francisco Duque III? Kahit si Senador Ping Lacson, naghihinala na baka “hindi sinasadya” ng DOH na maibigay ang tamang bilang ng kaso dahil sa kakulangan ng test kit o paraan para masuri ang mas maraming Pinoy na sintomas ng sakit.

Hanggang sa nitong nakaraang linggo, dalawang kaso ng COVID-19 ang ibinalita at idineklara na ang local transmission ng virus; na ang ibig sabihin eh dito na talaga sa atin nanggaling ang pagkakahawa at hindi na galing sa ibang bansa.

Ang matindi, mabilis na umakyat ang bilang sa 10 nitong Linggo, at pagkaraan lang ng isang araw, higit na ito sa doble. Habang isinusulat natin ito, mahigit 100 na ang kompirmadong kaso at patuloy ang paghahanap sa mga taong nakasalamuha nila at nagkakagulo sa lockdown na ipinatupad ng pamahalaan.

Pero habang tuloy ang buhay at may lockdown, magdoble ingat na lang muna tayo. Ang laging paalala ng mga eksperto, laging maghugas ng kamay, magsabon, maligo, magpahid ng alcohol, huwag bara-bara sa pagbahing at pag-ubo, huwag kuskusin ang mata, at huwag basta-basta isusubo ang kamay.

Iwasan na rin muna ang pagbeso-beso, at pakikipag-kamay, o ang pagpunta sa matataong lugar.

Papaano kaya ang mga sumasakay sa MRT, LRT at PNR na laging siksikan sa mga estasyon at bagon kahit may lockdown? Kung masama ang pakiramdam mo na parang tinatrangkaso, utang na loob, huwag ka na munang pumasok at magpa-checkup ka lang muna. Tulong mo na lang ‘yan sa bansa at sa mga kababayan mo. Kung carrier ka kasi ng virus at sumakay ka sa siksikang bagon, naku po ang perwisyong idudulot mo.

Kahit ang World Health Organization (WHO), sinabing “the threat of a pandemic has become very real” kaya dapat lalo pa tayong mag-ingat. Tandaan natin mga tsong, kahit ang mga mauunlad na bansa gaya ng Japan at Italy eh nagkukumahog sa virus na ito dahil sa mabilis na pagkalat. Kaya huwag nating masyadong iaasa lahat sa pamahalaan ang pagtugon sa problema.

Ngayong panahon, iwasan na ang sisihan, nandito na ang problema, ipinapayo ang literal na paghuhugas-kamay pero ‘wag maghugas-kamay o mag-Pontio Pilato sa problema—magtulungan na lang tayong lahat at makinig sa kinauukulan, ‘wag pasaway!

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More