Una sa Balita

‘Wag niyong alipustain ang asawa ko!’ — Regine

0 1,650

tonite-oh-laban-ka-rey-pumaloyIpinagtanggol ni Regine Velasquez ang kanyang mister na si Ogie Alcasid sa usapin ng paglipat niya sa ABS-CBN 2 mula sa dating home network na GMA-7.

Ilang linggo ring binato ng kung ano-anong masasakit na salita si Ogie na siyang itinuturo ng mga basher na siyang “biggest influence” para layasan ni Regine ang Kapuso Network.

Iginiit ni Regine na hindi idea ng kanyang mister ang lumipat ng network, kundi sa kanya mismo. Si Ogie lang daw ang gumawa ng paraan para magkaroon ng meeting sa pagitan ni Regine at ng mga executive ng Kapamilya na pinangungunahan ng SVP for Entertainment na si Ms. Cory Vidanes at ng isa pang big boss na si Loren Dyogi.

Sabi pa ni Regine, never nanghimasok sa kanyang desisyon tungkol sa kanyang karera si Ogie. Ito lang daw ang nag-orchestrate ng meeting para magkita at magkaroon ng meeting si Regine sa mga nasabing big boss.

Sey pa ni Regine, napakabait ng kanyang asawa kaya hindi nito deserve na pukulin ng sisi ng mga tao sa kanyang paglipat.

“Huwag niyo namang alipustain ang asawa ko!” pakiusap pa ni Regine.

Kuwento pa ng Songbird, isang malaking suntok sa buwan ang meeting dahil hindi niya alam kung  intresado pa sa kanya ang ABS-CBN, lalo’t palagi nang napapaso ang pakikipag-usap nito sa kanila.

Nakaramdam daw si Regine na baka hindi na siya kailangan lalo’t marami nang mga big star ang ABS-CBN 2.

Regine judge sa ‘Idol Philippines’

Napalitan ng saya at pag-asa ang mukha ni Regine nang sabihin sa kanya ni Ms. Vidanes na interesado pa rin sa kanya ang network. Sa sobrang excitement at tuwa ni Regine, ibinulatlat na niyang lahat ang iba pang detalye ng mga show na gagawin niya gaya na lamang na isa pa lang musical sitcom ang pagsasamahan nila ni Ogie.
Hindi siya host, kundi isa siya sa magi­ging judge ng “Idol Philippines” at hindi sa speculations ng marami na sa “The Voice” siya sasalang.

“One-stop-shop” na itinuturing ni Regine ang ABS-CBN dahil narito na ang lahat ng posible niyang puntahan. Binanggit niya ang posibilidad ng paggawa ng pelikula sa Star Cinema, ang pagri-record ng album, at magkaroon muli ng benefit concert gaya nu’ng ginawa niya para sa Bantay Bata ilang taon na ang nakakaraan.

Inamin ni Regine na natakot siya sa naiisip niyang posibilidad na mag-goodbye ang kakayahan niyang kumanta sa mga susunod na panahon.

Bago man lamang daw magbago ang kanyang boses, gusto na raw niyang makatrabaho ang lahat ng artistang ninanais niyang makasama sa project.

Asia’s Songbird tratong reyna sa Dos

Binigyan ng special treatment at welcome si Regine sa buong araw ng pagpirma niya sa network.

Bago pa siya umakyat sa 14th floor ng ABS-CBN para mag-sign ng contract, binigyan na ng engradeng salubong na parang nagkaroon bigla ng “fire-drill” sa buong compound sa dami ng sumalubong sa singer-­actress-host.

Isang bonggang media launch ang inihanda para ibalita ang lahat ng mga pro­jects o gagawin nito sa istasyon.

At ang nakakaloka, biglang nagkaroon ng sanitary staff sa loob ng Dolphy theater restroom na wala naman dati sa mga nagdaang presscon ng pelikula o teleserye.

Hindi lang ‘yun, kumpleto ng toiletries ang restroom na animo ay nasa isang hotel o mamahaling restaurants ka.

Kung paano kinilala si Regine bilang isang Queen at Icon sa local industry, ipina­ramdam ito ng Kapamilya Network sa kanya.

Pagkalabas ng item na ito nakasakay na ng eroplano si Regine para sa unang sampa nito sa ASAP na gagawin sa Sydney Australia.

Nilinaw lang ni Regine na guesting lang muna ang paglabas niya sa ASAP.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy