Una sa Balita

‘Wag maniwala sa survey

0 340

Matuto na sana ang mga botante at huwag magpadala sa anumang sinasabi ng mga ‘survey’ na si ganitong kandidato at party-list ang na­ngunguna at puwedeng manalo, kung may eleksiyon ngayon.

Malinaw na ito’y ‘mind conditioning,’ produkto ng makinaryang-politikal at isang ‘propaganda.’ Kung hindi mismo politiko ang may pakana, mga ‘vested interest group’ naman ang nasa likod na ang tanging layunin ay manalo ang kanilang ‘manok’ para maisulong ang mga pansariling ‘agenda.’

Kapag nanalo siguradong babawiin ang ginastos, mula sa kampanya hanggang sa huling araw ng eleksiyon at siguradong may tubo.

Nasa kukote ng mga nasa likod ng ‘survey’ ang pagbuo ng ‘bandwagon effect’ dahil marami pa rin sa ating mga kababayan, aminin man o hindi ay madaling mabola, kumakagat sa mga pangakong napapako.

Hindi madaling magsagawa ng ‘survey’ lalo na kung totohanan. Para makapaglunsad ng makatotohanang ‘survey,’ nangangaila­ngan ng tao, pera at mahabang oras para malaman ang tunay na damdamin ng taong-bayan.

***

Sa oras na may marinig na katagang ‘commissioned survey,’ isa lang ang ibig sabihin nito, “bayad.” Ang gumawa ng ‘survey’ ay ‘binayaran.’

Ang ’survey’ ay isang ‘marketing tool’ na ginagamit ng mga kompanya upang alamin kung ano ang pulso at pangangailangan ng mga ‘consumer.’

Ang ‘survey’ ay mahalaga sa mga politiko, ito ang kanilang ‘barometro’ sa pagtakbo sa halalan. Sa bawa’t ‘survey,’ kompanya man o politiko ang manga­ilangan nito tiyak luluwal at luluwal ng malaking pondo.

Kapag natalo, ‘sorry’ na lang si politiko, pero kapag nanalo, ang taong-bayan ang peligro. Tiyak babawiin ng politiko ang mga nagastos. Ang palabi­gasan, kaban ng bayan mula sa buwis ng mga mamamayan.

***

Hindi pa man opisyal ang ‘campaign season’ ang pagmumukha ng mga kandidato ay nagkalat na sa mga kanto. Ang mga ‘streamer at tarpaulin’ na tadtad ng litrato ng mga politiko isinabit sa mga puno.

Walang delicadeza. Maging ang mga lugar na sinalanta ng kalamidad, hindi pinatawad. Ang Tacloban na hanggang ngayon ay hindi pa nakakabawi dahil sa bagyong Yolanda, hindi pinalagpas ng mga kandidato.

Huwag paniwalaan ang mga ‘survey’ hindi ito nagsasabi ng totoo, lalo na kung galing sa mga politiko.