Una sa Balita

‘Wag magpadala sa hugot ng mga politiko

0 271

Nalalapit na ang eleksyon at dapat maipaalala natin sa lahat ng mga botante na imulat ang kanilang mga mata at buksan ang mga isip bago tuluyang magdesisyon kung sino ang politikong dapat nilang pagkatiwalaan at iboto sa darating na Mayo.

Tulad na lamang sa Sto. Tomas, Batangas kung saan nahaharap sa mabigat na kasong graft sa Office of the Ombudsman si re-electionist Mayor Edna Sanchez. Ang 11-pahinang reklamo ay nakatutok sa umano’y paghingi ni Sanchez ng kickback sa isang kontrata para sa upgrade ng waterworks billing at collection system ng munisipyo.

Ang reklamo ay isinampa ng general manager ng WeDo BPO Inc, isang information technology company na nanalo sa bidding ng kontrata noong January 4, 2010.

Ipinilit daw ni Sanchez sa WeDo na dapat siyang bigyan ng komisyon dahil siya ang naging daan para maapruba­han at maibigay sa WeDo ang P5.9 mil­yong proyekto.

Nang maisampa ang reklamo, itinatanggi ni Sanchez ang akusasyon ng WeDo pero kasama sa mga ebidensyang ginamit sa reklamo ang kopya ng authorization letter at postal ID bukod pa sa kopya ng tseke na kanyang pinalitan sa bangko. Pirmado mismo ni ma­yor ang likod ng tseke bilang patunay na i­nen­­cash nya ito.

Hindi nagsisinunga­ling ang mga ebidensya, ika nga, kaya anumang pagtanggi ni Mayor Sanchez at ipagsigawan man niya sa buong Sto. Tomas na ang kaso ay bahagi lamang ng pamumulitika, malinaw na nakakulapol sa mukha niya ang akusasyong panghihingi ng kickback sa isang proyekto ng munisipalidad. Ilang proyekto ba ang naaaprubahan ng isang nakaupong mayor sa kanyang buong termino? Kung ang mayor na ito ay naniniwalang normal na mabigyan siya ng komisyon o kickback sa bawat naaprubahang proyekto, ilang tseke na kaya ang napunta sa personal account ni Mayora?

Ang nakakalungkot, hindi naman lahat ng botante ng Sto. Tomas ay kumbinsido sa kaso dahil nga sa press release na pinupulitika ang kanilang mahal na alkalde.

Pagdating ng Mayo at nanaig ang mga botanteng naniniwalang inosente si Mayor, malungkot na senaryo ang naghihintay sa munisipalidad ng Sto. Tomas.

Habang may panahon pa, isip-isip din tayo. Tiyaking hindi tayo nadadaan sa pambobola ng mga politiko. Kung nais natin ng tunay na pagbabago at kung naniniwala tayong dapat nang maputol ang korapsiyon saan mang panig ng ating bansa, piliin natin ang tunay na malinis at itapon ang marumi. Dahil kung hindi tayo kikilos nga­yon, kailan pa?

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy