Una sa Balita

‘Wag Kayong Kumain Ng Galunggong!

0 467

KUNG marami ang nagrereklamo sa mahal na presyo ng galunggong, mas makabubuting huwag na lang kumain ang tao nito.

Ito ang suhestiyon ni Senador Cynthia Villar kasunod ng ulat na pumalo sa P350 hanggang P360 kada kilo ang presyo ng galunggong sa palengke.

“Eh kung mahal ang galunggong, eh ‘di ‘wag kumain ng galunggong, ‘di ba,” pahayag ni Villar, chair ng Senate committee on agriculture and food.

“There are other alternatives na puwedeng gawin, bakit ba gustong-gusto ninyo ‘yung galunggong kung mahal ang galunggong,” dagdag pa nito.

Ayon pa sa senadora, may ilang negosyante pa aniya ang lumapit sa kanya at nagpatulong na bigyan siya ng permit para makapag-angkat ng galunggong.

“‘Yang galunggong na ‘yan masyadong kontrobersyal. Gustong-gusto nila mag-import, may nagpapalakad pa sa akin na bigyan daw sila ng import permit sa galunggong.

“Bakit ba patay na patay tayo, mahal na ang galunggong, ‘wag kumain ng galunggong,” sabi ni Villar.

Mungkahi pa ng senador, mas mainam na kumain na lang ang tao ng gulay kung hindi rin lang kayang bumili ng nakapamahal ng galunggong o GG.

“Mas healthy ‘yon. In fact ‘di ba bumaba ang ating rating, ating mga students one of the theory doon ay malnutrition. Kumain ng other means which are cheaper and available. Dami namang choices bakit ba ini-insist ‘yan” sambit pa nito.

Kung mahal umano ang gulay, sinabi nitong dapat magtanim na lang sa kanilang bakuran ang tao para balang araw ay maani ang mga ito.

“Magtanim ka ng gulay sa likod ng iyong bahay. Mag-backyard farming or urban gardening,” payo pa nito.

Nauna nang inihayag ni Agriculture Sec. William Dar na binigyan na nito ng ‘green signal’ ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para mag-angkat ng 45,000 metrikong tonelada ng galunggong.

Tumaas ang galunggong nitong mga nagdaang mga araw ng hanggang P350 dahil diumano sa mababang suplay nito sa pamilihan.

Ilang beses nang nababatikos si Villar sa mga kontrobersyal nitong pahayag tulad ng panukala na ipagbawal ang unli rice at ang pagkuwestiyon nito sa P150 milyong pondo para sa research ng National Corn Program. (Dindo Matining)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More