Una sa Balita

‘WAG IPITIN ANG BONUS!

By
0 3

May panawagan si Sen. Bam Aquino sa Department of Education (DepEd) na huwag ipitin ang suweldo at iba pang benepisyo tulad ng bonus ng libu-libong guro sa mga pampublikong paaralan.

Kaalinsunod na rin ito sa report na nakarating sa kanyang tanggapaan na maraming guro ang hindi pa nakakatanggap ng suweldo at mga bonus.

Sa sulat na ipinadala ni Aquino kay DepEd Sec. Leonor Briones kamakalawa, nakiusap ang senador na tiyaking maibigay ito bago man lamang mag-Pasko para naman masaya magdiriwang ng Pasko ang mga ito.

“Nais ko pong ipakiusap na madaliin sana ang paglabas ng suweldo, bonus at iba pang benepisyo na nakalaan para sa ating mga guro upang maging maligaya ang pagdiriwang nila ng Pasko, kasama ang kanilang mga mahal sa buhay,” ayon kay Aquino, chairman ng Senate committee on education.

Naniniwala ang senador na ang mga suporta at insentibong ito ay makatutulong upang maging kaakit-akit para sa mga guro ang magturo sa pampublikong paaralan.

Sa kasalukuyan ay may isinusulong na isang panukala si Aquino na magbibigay ng relocation allo­wance, hazard pay at health care insurance sa mga guro.

Bukod dito, inihain na rin ng senador ang Senate Bill No. 173 o ang Free Education for Children of Public School Teachers Act.

Kapag naisabatas, bibigyan ang mga anak ng public school teachers sa lahat ng antas ng libreng edukasyon sa state universities sa buong bansa, kung nais nilang makakuha ng baccalaur­eate degrees o short-term training courses.

Saklaw ng subsidy program ang 100 porsiyen­to ng tuition at iba pang miscellaneous fee na hinihingi sa isang estudyante kapag nag-enroll sa isang state college o university.

Maliban sa dagdag na benepisyo, nais din ng senador na mas magandang kalagayan sa pagtatrabaho ang mga public school teacher sa pamamagitan ng pagresolba sa backlogs sa classrooms, pagpapaganda ng pasilidad, access sa internet at online educational materials.