Una sa Balita

‘Wag hayaang magutom ang ating mga magsasaka

0 361

Kinumpirma kamakailan ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang ating kinatatakutan: Bumulusok pababa ang presyo ng palay sa pinakamababang halaga sa loob ng walong taon. Ayon sa nasabing ulat, napipilitan ang ating mga magsasaka na ibenta nang palugi ang kanilang ani sa halagang P10 kada kilo.

Nakakalungkot na ang mga magsasaka na nagkakandakuba sa katatanim ng palay para mapakain ang buong bansa ay sila pa ang mga naghihirap at walang makain nga­yon. Nakakabahala na dahil sa daming pumapasok na imported na bigas, natatalo sa kita ang ating sektor ng pagsasaka. Huwag na­ting hayaang mamatay sa gutom at hirap ang ating mga bayaning magsasaka.

Sa kaliwa’t kanang delibersayon, balitaktakan at minsan maaanghang na debate ukol sa isyu ng bigas, isang mahalagang boses at interes ang nalulunod sa ingay, ito ang boses at kapakanan ng maliliit na magsasaka.

At ang katotohanan, sa likod ng ingay at kuro-kuro, kailangang-kailangan na ng mga maliliit na magsasaka ng tulong. Ang pagkalam ng kanilang tiyan ay dapat ng bigyan ng agarang solusyon.

Aking minungkahi ang pagbibigay ng tinatawag na ‘bayad lugi’ sa halagang P12,000 kada magsasaka ng palay. Ito ay kabayaran sa kanilang pagkalugi dahil sa matinding pagpasok ng mga imported na mga bigas sa Pilipinas.

Akin ding iminungkahi sa Senado ang mabilisang pagpapalabas at pag-distribute ng hala­gang P6.5 billion na ayudang pinansiyal para sa ating mga magsasaka ng palay.

Bukod dito ay akin ding tinutulak ang Rice Subsidy Program sa buong bansa na direktang bibili ng bigas mula sa mga lokal na mga magsasaka ang gobyerno at bibilihin ito sa halagang hindi bababa sa P20 kada kilo.

Ako ay naniniwala na ang program ay mahalaga sa pagpapataas ng kita ng mga magsasaka at magpapalawig ng supply ng lokal na bigas sa merkado.

Akin ding sinusuportahan ang pagtaas ng taripa at ang pagpapatupad ng import ban sa imported rice na siyang nagtulak sa pagkakaroon ng krisis na ito.

Ako rin ay nana­nawagan sa ating mga kooperatiba para sa kanilang kooperas­yon at suporta para sa ating pakikipaglaban sa karapatan ng sektor ng magsasaka. Ang ating mga kooper­atiba ang ating kaakbay upang maiakyat mula sa laylayan ang mga apektado nating mga magsasaka. Ang mga kooperatiba rin ang ating kasama sa paghabi ng mga success stories ng ating mga magsasaka.

Matindi man ang krisis sa palay at iba pang problema, sama-sama natin itong haharapin at sosolusyonan. Asa­han po ninyo na patuloy nating ipaglalaban ang karapatan at daing ng hanay ng magsasaka sa loob at labas ng Senado.

Huwag nating haha­yaang walang makain at tuluyang maghirap ang sektor na nagpapakain sa buong bansa. Tulungan natin sila.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy