Una sa Balita

Wa na si Wanda, resignation tangap ni Duterte

By , ,
0 1,861

SIBAK na sa gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte si Department of Tourism (DOT) Secretary Wanda Tulfo-Teo.

Inihayag kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque na tinanggap ng Pangulo ang pagbibitiw ni Teo sa gitna na rin ng iskandalong kinasasangkutan ng DOT kaugnay sa P60 million advertising ng kagawaran sa PTV 4, partikular sa programa ng mga kapatid nitong sina Ben at Erwin Tulfo.

Wala pang inihayag ang Malacañang na kapalit ni Teo sa DOT.

Nauna rito ay lumabas ang balita na mismong ang Pangulo na ang nagpapa-resign kay Teo sa DOT. Sa kabila nito ay ipinagdidiinan pa rin kahapon ng abogado at tagapagsalita na si Atty. Ferdinand Topacio na hindi ito pinag-resign ng Pangulo.

Samantala, hindi pa rin ligtas sa imbestigasyon ng Senado at Office of the Ombudsman si Teo.

Sa kanyang resolus­yon, isinulong ni Senador Nancy Binay ang pagsisiyasat sa P60 million advertising deal ng DOT at PTV 4.

Sinabi ni Binay, chairperson ng Senate committee on tourism, na may mga ulat din anya na ang kasunduan para sa TV commercial ng DOT sa PTV 4 ay walang Memorandum of Agreement, Certificate of Performance, duly-approved budget utilization request at billing statements.

“Due to limited budget and resources, kailangang maging responsable at maingat tayo sa paggastos ng bawat piso. Hindi po biro ang budget na binibigay natin para pagandahin ang imahe ng Pilipinas at maghikayat ng maraming tu­rista,” ani Binay.

“Sec. Teo’s resignation only confirms the allegations of corruption against her. But regardless, the Senate investigation must push through because we must know the extent of corruption at the DOT under her watch.

Moreover, appropriate cases must be filed against her and those involved in the ad scam and other anomalies,” giit naman ni Senador Antonio ‘Sonny’ Trillanes IV.

Sang-ayon din sina Senador Francis ‘Kiko’ Pa­ngilinan sa imbestigasyon upang maipaabot anya sa lahat na hindi dapat kinukunsinti ang katiwalian. Habang binigyang-diin naman ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na dapat maging pokus ng pagdinig ang pagpapalakas pa ng mga batas na may kinalaman sa tamang public service bukod sa batas laban sa katiwalian.
Samantala, kinumpirma na rin kahapon ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales na iniimbestigahan ng kanyang tanggapan ang kontro­bersyal na P60 million advertisement na kinasasangkutan ng DOT, PTV 4 at ang Bitag Media Unlimited.

Ayon kay Morales, isang motu proprio investigation ang ginawang imbestigasyon o sariling inisyatibo ng kanyang tanggapan.