Una sa Balita

VP Robredo: Sikmura muna bago politika

0 608

Kinondena ni Vice President Leni Robredo ang pilit na pagtutulak ng mga kaalyado ng administrasyon sa charter change, sa gitna ng sanga-sa­ngang problema na dala ng TRAIN Law at inflation.

Ayon sa Bise Presidente, mas makatutulong sana sa mga mamamayan kung ibinubuhos ng mga mambabatas ang kanilang oras sa mga panukalang makatu­tulong upang maibsan ang pabigat na dala ng nagtataasang presyo ng mga bilihin.

Ito ay matapos aprubahan ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang isang resolusyon para sa proposed fede­ral constitution, sa parehong araw na pinayagan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtuloy sa planong pagpapataw ng fuel excise tax sa susunod na taon.

“Malinaw na usap-politika ang mas maha­laga para sa liderato ng Kamara, na siya nitong ipinakita sa pagpasa ng House Resolution na nagtutulak sa Cha-cha,” ani Robredo. “Sa aming pag-iikot sa mga pinakamalalayong lugar sa ating bansa, iisa ang hinaing ng ating mga kababayan—ang pagtataas ng presyo ng mga bilihin.”

Dagdag pa niya: “Ngunit kitang-kita na hindi ito ang nais tutukan ng administrasyon: Delayed na nga ang ayuda para sa mahihirap, binawi pa ang suspensyon ng fuel excise tax sa January 2019—at ngayon pinagpipilitan pa rin ang kagustuhang baguhin ang sistema ng pamahalaan.”

Ayon kay Leyte Rep. Vicente ‘Ching’ Veloso, pinuno ng House Committee on Constitutio­nal Amendments, ang pagtutulak nila ng panukalang ito ay bahagi ng pagtupad sa agenda ng admi­nistrasyon. Nauna nang sinabi ng Malacañang na kabilang sa mga prayoridad ni Duterte ang pagsusulong ng pederalismo.

Para kay Robredo, dapat unahin ng administrasyon “ang mga alalahaning pinakamalapit sa bituka at pamumuhay” ng mga Pilipino, lalo na iyong mga naghihirap, kaysa ang pamumulitika.

Matagal nang itinutulak ng Bise Presidente na pagtuunan sana ng pansin ang pagbibigay-solus­yon sa matataas na presyo ng mga bilihin na naranasan nitong taon, sa gitna ng pagtaas ng inflation rate ng bansa at ang problema sa suplay ng bigas.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy