VP Robredo, hindi magso-sorry sa Malacañang

By

Walang nakikitang dahilan ang kampo ni Vice President Leni Robredo para mag-sorry sa administrasyon.

Ito ang matapang na sagot ng tagapagsalita ni Robredo na si Georgina Hernandez sa hirit ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na dapat humingi ng paumanhin ang bise presidente dahil sa mensahe nito sa U.N Commission on Narcotic Drugs.

Ayon kay Hernandez, naging tulay lamang ng maliliit na Filipino si Robredo para marinig ang boses nila sa international community hinggil sa pangamba sa kanilang buhay dahil sa lumalalang patayan sa bansa buhat nang simulan ang war on drugs ng Duterte administration.

Iginiit pa ni Hernandez na nasa mandato ni Robredo ang magsilbi sa interes ng taumbayan at hindi sa sinumang opisyal at indibidwal na gustong dungisan ang imahe ng bansa.

Nilinaw din ng kampo ng bise presidente na dokumentado at may case study sila na pinagmulan ng ‘palit-ulo’ scheme na ginagawa ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng Oplan Tokhang.


SHARE