Una sa Balita

VP Leni, ‘wag patulan ang alok ni Digong

0 648

Iginigiit ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na seryoso raw si Pangulong Rodrigo Duterte sa alok nito may Vice President Leni Robredo upang pangunahan ang giyera ng gobyerno laban sa iligal na droga.

Sabi ni Panelo, hindi pagkapikon o pagbibiro ito ng Pangulo dahil nais lang na malaman ang abilidad ng Bise Presidente sa kampan­ya laban sa illegal drugs.

Pero kung 6 na buwan lang ang ibibigay ng Pangulo kay VP Leni ay tila kulang ito dahil mismong ang Pangulo na nanguna sa kampan­ya ay hindi kinaya na tapusin ang problema sa droga sa nakalipas na 3 taon.

At kung talagang totoo ang alok ng Pa­ngulo ay mas makakabuting maglabas ito ng isang executive order upang idetalye ang mga tungkulin at lawak nito tulad ng pagsasalin sa Vice President ng kontrol sa PNP, PDEA at maging ng Department of Justice na siyang katuwang sa kampanya laban sa illegal drugs.

Ayon nga kay retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio ay dapat isulat ng Pangulo ang kaniyang alok at ide­talye ang saklaw at lawak ng responsibilidad gayundin ang kapangyarihan.

Pero sa aking pa­nanaw ay hindi dapat na patulan o kagatin pa ang alok na ito ng Pangulo dahil alam naman natin na ito ay bahagi lang ng pagkapikon nito.

Marahil ay naiinis lang ang Pangulo dahil pinupuna ang giyera sa droga na hindi matanggap na ito ay bigo pa rin hanggang sa kasalukuyan.
Pero sa mga maituturing na kilala at magagaling na lider ay marunong tumanggap ng kamalian na kabaliktaran sa ugali ng Pangulo na ayaw na pinupulaan ang kaniyang gawain.

Sana ay makinig paminsan-minsan ang Pangulo sa mga kritiko nito at suriin kung may mali ba o wala sa kaniyang estratehiya sa isang kampanya tulad sa giyera laban sa droga.

Ayon nga mismo sa mga datos ng Dange­rous Drugs Board noong taong 2016 ay nasa 1.8 milyon lang ang drug addict pero ayon sa talumpati mismo ni Pangulong Duterte noong 2017 ay umakyat ang bilang nito sa 4 milyon at ngayong 2019 ay nasa 7-8 milyon na ang drug addict.

Kung ating susuriin ang mga pahayag na ito ng Pangulo ay lumilitaw na mas lalo pang dumami ang bilang ng mga drug addict sa bansa. Sa kabila ng matinding kampanya nito laban sa illegal drugs sa bansa na maaaring gawing batayan na hindi pa lubos na tagumpay ang kampanya nito sa droga.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy