Una sa Balita

VP Leni todo ‘Otso Diretso’

0 1,573

Palaban ang oposis­yon sa pagpasok ng darating na eleksyon, kasama ang walong kandidatong pambato nito para sa Senado.

Inilunsad ang ‘Otso Diretso’ upang ipaglaban sa Senado ang mga solusyon sa mga pagsubok na hinaharap ng mga ordinaryong Pilipino. Binubuo ang lineup ng 8 kandidato na galing sa iba’t ibang larangan at partido, kabilang na ang mga beterano at baguhan sa politika, na subok na ang kakayahan sa paglilingkod at ang tapang na lumaban para sa nasa laylayan.

Kasama sa Otso Diretso sina Sen. Bam Aquino at Magdalo Rep. Gary Alejano, gayundin ang mga nagbabalik na lingkod-bayan na sina dating Senador Mar Roxas at dating Congressman Erin Tañada. Tataya rin sa politika sa unang pagkakataon sa ilalim ng oposis­yon sina dating Solicitor General Florin Hilbay, ang kilalang election lawyer na si Romy Macalintal, ang pinagpipitagang human rights lawyer na si Chel Diok­no, at si Samira Gutoc, isang bakwit mula sa Marawi na nagbitiw sa Bangsamoro Transition Commission bilang pagtindig laban sa mga bastos na pahayag ng Pangulo.

Todo suporta si Vice President Leni Robredo sa Otso Diretso, na ayon sa kaniya ay “walang tapon at maipagmamalaki.”

“Napakahabang proseso ang pinagdaanan para mapili itong 8 na ito,” aniya. “Itong 8 na ito, hindi tayo ipapahiya, dahil itong 8 na ito, wala pa sa politika, tumutulong na. Ang track record, ang pagmamahal sa bayan, hindi mo puwedeng kuwestiyunin.”

Para kay VP Leni, mahalaga ang laban para sa Senado dahil ito “ang ating kakampi sa laban para sa mga bagay na ating pinahahalagahan.”

Ang Otso Diretso, ayon sa kaniya, ay kailangan sa Senado upang magkaroon ng isang malakas at nagkakaisang grupo na magsusulong sa kapakanan ng mga mahihirap, sa gitna ng mga isyu gaya ng matataas na presyo ng bilihin, kultura ng pagpatay, korapsyon at pagiging ganid ng mga makapangyarihan.

Bagama’t may mga baguhan sa lineup, kumpiyansa si Rob­redo na maipapasok ang 8 na kandidato sa Senado, sa tulong ng mga ordinaryong mamamayan — kabilang na ang mga basehang sektor at ang mga grupong bumubuo ng oposisyon.

“Kung naging posible ang 1% to Vice President noong 2016, walang dahilan para hindi natin maipanalo ang 8 na ito sa Senado, basta tayo ay magtulong-tulong” aniya. (Mia Billiones)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy