Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

VP Leni, QC pakner sa tsuper bakuna

0 87

Umarangkada na naman ang bakuna express na inisyatibo ni Vice President Leni Robredo katuwang ang mga lokal na pamahalaan.

Kahapon ay inilunsad sa Quezon City ang Vaccine Express sa pagtutulungan ng OVP at Quezon City government.

Ang bakuna drive-thru initiative ay bukas para sa mga driver ng jeepney at tricycle, gayundin sa mga delivery riders.

“Alam naman natin na sa mga driver, every day na hindi sila makakatrabaho, iyong pamilya nila hindi makakakain… so nakikita natin na bawat oras na nagtatrabaho sila, napakahalaga para sa pagbuhay ng pamilya nila. So kailangan talaga silang proteksiyunan,” ani Robredo.

Bahagi ito ng mga pagkilos ng tanggapan ng bise presidente upang matulungan ang mga LGU na gawing mas mabilis at maayos ang proseso ng pagbabakuna sa kani-kanilang lugar. Naisagawa na ito sa Manila at sa mga siyudad ng Naga at Iriga sa Camarines Sur.

Personal na bumisita sa Vaccine Express QC site sa Robinsons Novaliches sina VP Leni at si Mayor Joy Belmonte kahapon.

Bukod sa pagkumusta sa mga driver at delivery rider, nakapag-ikot din ang dalawang opisyal upang magpasalamat sa mga doktor, nurse at medical student na nag-volunteer.

Lubos ang pasasala¬mat ni Belmonte sa inisiyatibong ito ni Robredo.

“Napakasuwerte lang po ng lungsod ko na nabilang po kami sa mga naging beneficiaries po ng Office of the vice president,” wika ni Belmonte.

“Marami ditong malalaking parking lots at open spaces na puwede pang gawan ng Vaccine Express. Kaya siguro makikiusap na lang tayo—pag-apela sa atin pong pangalawang pangulo na kung gusto pa nila, welcome na welcome sila rito sa Quezon City dahil napakarami po nating mamamayan na nangangailangan pang magpabakuna.”

Bukas naman si Robredo sa patuloy na pakikipagtulungan sa Lokal na Pamahalaan ng Quezon City.

Leave A Reply

Your email address will not be published.