Una sa Balita

VP Leni nainsulto sa banat ni Duterte na ‘hotbed’ ng shabu ang Naga

By
0 1,013

NAINSULTO si Vice President Leni Robredo sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang kanyang balwar­teng Naga City ay ‘hotbed of shabu’.

Sa isang interview nitong Sabado, sinabi ni Robredo na ang akusasyon ni Pangulong Duterte ay ‘insultong napakalaki sa lahat na mga taga-Naga’.

“Hindi perpekto iyong ating lungsod; maraming problema. Gaya ng ibang mga local government units, tala­gang problema iyong illegal drugs dito. Pero para sabihing ‘hotbed’ tayo, malaking sampal iyon sa mukha ng lahat na nagpapagod para itaas iyon… hindi lang iyong bandila, pero linisin iyong pangalan,” wika ng Bise Presidente na naging abala sa paggunita sa ikaanim na death anniversary ng kanyang asawang si Jesse.

Nauna rito, sa isang talumpati noong Martes, Agosto 14, ay sinabi ni Pangulong Duterte na hindi maaaring pu­malit sa kanya si Robredo dahil sa problema pa lang ng iligal na droga sa Naga City ay hindi na niya kayang supilin.

Ayon naman kay Robredo, naglabas na ng resolusyon ang city council ng Naga upang palagan ang naging akusasyon ng Pangulo.

“Kung totoo ito, tayo pa iyong yuyuko para humingi ng tawad. Pero dahil hindi siya totoo, ta­lagang magrereklamo tayo na, iyon nga, pambabastos sa lahat na taga-Naga iyon,” dagdag ni Robredo.