Una sa Balita

VP Leni humamig ng suporta sa NCR, Mindanao

By
0 3,292

NAGSILBING inspiras­yon kay Vice President Leni Robredo ang patuloy na suporta ng ating kababayan sa kanyang mga programa dahilan upang lalo nitong pag-ibayuhin ang paghahatid ng serbisyo sa mahihirap na Filipino.

Ayon kay Robredo, malaking bagay ang resulta ng pinakabagong survey ng Pulse Asia, kung saan ay humamig ito ng 62 percent approval rating — mas mataas ng pitong porsi­yento mula noong Marso. Malaki rin ang pag-angat ng kanyang rating sa National Capital Region, na tu­malon ng 20 points papuntang 58 percent, at sa Mindanao, kung saan siya nagkamit ng 73 percent, mas mataas ng 17 points.

Para kay VP Leni, ang pagtaas ng approval rating niya ay pagkilala ng taumbayan sa mga ginagawa ng kanyang opisina para sa mahihirap, sa pamamagitan ng Angat Buhay anti-poverty program.

Kahit limitado ang budget ay naabot na ng Office of the Vice President ang 176 mahihirap na komunidad sa bansa, katuwang ang mga partner nito mula sa pribadong sektor.

Sa loob ng dalawang taon ni Robredo bilang Pangalawang Pangulo ay nakapagbigay na ang OVP ng mahigit P252M halaga ng mga proyekto at programa, kung saan nakikinabang ang higit 155,000 na mga pamil­yang Filipino.

Kabilang sa mga inis­yatibong ito ang Metro Laylayan program, kung saan nagdadala ng tulong at serbisyo ang OVP at mga partner nito sa mga nangangailangan sa Metro Manila.

Aktibo rin ang OVP sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao, kabilang na ang Marawi City, kung saan ito nagpatayo ng transition shelter unit para sa mga residenteng napilitang lumikas dahil sa bakbakan. Pormal na binuksan ang Angat Buhay Village sa Brgy. Sagonsongan nitong Martes, Hulyo 17, para sa unang 60 na pamilyang pansamantalang maninirahan dito.