Una sa Balita

VP Leni gigibain ng mga dating empleyado ng Smartmatic

By
0 811

IKINAKASA na umano ng kampo ng natalong si dating Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang pangangalap ng mga kuwestiyonableng testigo na ihaharap sa Presidential Electoral Tribunal (PET) para maipanalo ang kanyang election protest laban kay Vice President Leni Robredo.

Ibinunyag ng isang mapagkakatiwalaang source na kinakausap na umano ng kampo ni Marcos ang mga dating empleyado ng Smartmatic Inc. para sirain ang kredibilidad ng nag-suplay ng automated counting machine noong 2016.

Palalabasin umano ng mga kukuning testigo sa kanilang ilalahad na testimonya na akma at totoo ang mga naunang pahayag ng kampo ni Marcos para palabasin na katotohanan ang mga alegasyon nito.

Sa kabila nito ay malaki naman ang tiwala ng kampo ni Robredo na lalabas ang katotohanan na siya ang nanalo sa nakaraang halalan.

Kaugnay nito, nilinaw naman ng Smartmatic na walang awtorisasyon na magsalita para sa kompanya ang sinumang empleyado nito.

Ipagtatanggol umano ng Smartmatic ang reputasyon nito sakaling may lalabas na dating empleyado na planong wasakin ang kredibilidad ng kanilang kompanya.