Una sa Balita

VP Leni dadalo sa SONA kahit mapahiya

By
0 1,878

INAMIN ni Vice President Leni Robredo na may ilang naghikayat sa kanya na huwag dumalo sa State of the Nation Address (SONA) ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte sa darating na Lunes.

Ngunit ayon kay ­Robredo, desidido pa rin siyang dumalo at makinig sa sasabihin ng Pangulo.

“Oo. Mag-a-attend ako kahit iyong iba ayaw akong pa-attend-in,” ayon kay Robredo na hindi naman binanggit kung sino ang umaawat sa kanya.

Ayon kay Robredo, ayaw siyang padaluhin dahil sa takot na baka insultuhin at hiyain siya sa SONA.

Ngunit para kay Rob­redo, bukod sa obligasyon niyang dumalo bilang Bise Presidente, sanay na rin umano siyang insultuhin at hindi naman malaking kabawasan para sa kanyang pagkatao kung siya’y iniinsulto kaya hindi ito dahilan sa kanya para hindi dumalo.

“Iyong iba natatakot daw at baka insultuhin ako, baka hiyain ako. Iyong sa akin naman, una obligasyon ko na nandoon ako. Sunod, sanay naman ako’ng iniinsulto. Tingin ko hindi naman ako mababawasan kapag ako ininsulto,” ayon pa kay Robredo.

Samantala, umaasa si Robredo na kanyang maririnig mula sa Pa­ngulo ang ginagawa ng pamahalaan upang matugunan ang tumataas na presyo ng mga bilhin na isa sa malaking isyu na kinakaharap ngayon ng bansa.

“Ang pinaka-interesado tayo, halimbawa, ngayon iyong pinakamalaking usapin iyong inflation, iyong taas ng mga bilihin ng halos lahat. So gusto nating pa­kinggan ano iyong balak ng pamahalaan para ma-arrest itong rising ­prices,” dagdag ni Rob­redo.