Una sa Balita

VP Leni, balik-laylayan para pakinggan ang hinaing ng mga sektor sa Nueva Ecija, Pampanga

By
0 578

GAYA ng nakaugalian bilang lingkod-bayan, nagtungo si Vice President Leni Robredo sa Nueva Ecija at Pampanga upang makausap ang iba’t ibang sektor at alamin ang kanilang mga pangangailangan.

Dumalo sa magkahiwalay na multisectoral dialogue ang Bise Presidente sa Cabiao, Nueva Ecija at sa San Fernando, Pampanga nitong Lunes (Feb. 18), sa imbitasyon ng Kaya Natin Movement, isang samahan na naghihikayat ng mabuting pamamahala.

Kabilang sa mga nakasalamuha ni Robredo ang mga kinatawan ng mga sektor ng kabataan, transportasyon, magsasaka, mangi­ngisda, manggagawa, kababaihan, persons with disability, at iba pa.

Sa dayalogo, nabigyan ng pagkakataon na magbahagi ng kanilang mga karanasan at pa­ngangailangan ang mga representante ng iba’t ibang sektor sa Cabiao at San Fernando.

Para kay Robredo, ginagawa niya ang mga pagbisitang ito upang malaman ang mga pa­ngangailangan na dapat matugunan, lalo na para sa mga mahihirap na sektor—isang paraan na kaniyang natutunan sa matagal na panahon ng paglilingkod bilang abogado ng mga mahihirap.

“Mula pa noong naging Pangalawang Pangulo ako, lagi na tayong nagpupunta sa iba’t ibang mga lugar, lalo na iyong pinaka-nangangailangan, hindi lang para sa konsultasyon, pero para rin sa aming programa na Angat Buhay, kung saan hinahanapan namin ng mga organisasyon na tutulong iyong ating mga sektor na nangangaila­ngan,” aniya.
“Tinanggap natin agad-agad iyong imbitasyon na dumalo dito, dahil nakakatulong na napapakinggan iyong boses ng ating mga kababayan,” dagdag pa niya.

Sa ilalim ng Angat Buhay, inaalalayan na ng opisina ni Robredo ang 176 na mahihirap na komunidad sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Kabilang na rito ang lungsod ng Marawi, na patuloy na bumabangon mula sa giriang naganap noong 2017.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy