Una sa Balita

Voter’s ID bago food pack bawal – DILG

0 885

Pinagsabihan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na bawal sa mga local government unit (LGU) na obligahin ang mga residente na magpakita ng voter’s ID para makatanggap ng food pack na pinamimigay ngayong panahon ng lockdown sa Luzon.

“Let me just emphasize, may report na nakakarating sa DILG na ang iba nating LGU ay humihingi ng voter’s ID at listahan na kailangan ikaw ay botante para mabigyan ka ng tulong. Naku po, bawal po yan,” ayon kay DILG Undersecretary at spokesperson Jonathan Malaya sa Laging Handa public briefing nitong Miyerkoles.

“So, hindi ko po maintindihan kung bati kailangan malaman ng kapitan kung botante ka o hindi. Ngayon kung meron pong mga ganung kapitan na pasaway, again, meron pong number ang DILG. I-text yung number na yun at aaksyunan po namin ang reklamo sa inyong barangay kapitan,” ani Malaya.

Sinabi pa nito na hindi dapat pinamimigay sa isang tao lang ang mga food pack kundi sa bawat pamilya,

“Panahon po ngayon ng tulong. Panahon po ngayon ng magandang pamamahala at magandang leadership. Hindi po panahon ng politika ngayon. Hindi ko po maintindihan kung bakit ang ibang kapitan natin ay ganun. At hindi po individual ang tulong, pero household,” ani Malaya.

“Kung ang mga LGU natin ay gumagawa ng food packs, hindi po yan pang isang tao, pambahay. So, ang kailangan na i-identify ninyo kung ilang households meron diyan,” pagdidiin pa ni Malaya.

Iginiit pa nito na dapat ang pinamimigay na food pack ng mga barangay official ay makasasapat para sa loob ng tatlo hanggang apat na araw na pagkain ng isang pamilya.(Prince Golez)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More