Una sa Balita

Voter registration sa Batangas, Cavite sinuspinde

0 396

INANUNSIYO ng Commission on Election (Comelec) na hindi muna magpapatupad ng rehistrasyon ng mga botante sa mga lalawigan ng Batangas at Cavite na naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Taal.

Sinabi ni Comelec Spokesman James Jimenez dahil na rin sa pagputok ng Bulkang Taal noong Linggo ay nagpasya ang poll body na hindi na muna nila ituloy ang pagtatala ng mga botante sa Lunes sa mga lugar sa Batangas at Cavite, na pasok sa 14-kilometer danger zone; at ilang mga lokalidad na nasa labas ng danger zone pero apektado rin ng ashfall at mga paglindol.

Matatandaan na inianunsiyo ng Comelec na sisimulan na ang muling pagdaraos ng voter registration sa Lunes, Enero 20 para sa 2022 National and Local Elections.

Kabilang dito ang mga bayan ng Balayan, Calaca, Calatagan, Cuenca, Lian, Lipa, Mabini, San Luis at Tuy sa Batangas, at Tagaytay, Alfonso, Amadeo, Indang at Silang sa Cavite.

Sinabi ni Jimenez na depende pa sa sitwasyon kung kailan muli ipagpapatuloy ang rehistrasyon sa mga nasabing lugar.

Samantala sa mga lugar naman na hindi apektado ng pagputok ng bulkan ay magpapatu­loy ang registration at tatagal hanggang Setyembre 30, 2021.

Kabilang din sa kautusang ito ang 24 na munisipalidad ng Palawan kung saan nakatakdang magsagawa ng plebesito hinggil sa paghahati dito sa tatlo. Gayundin ang Cotabato dahil naman sa lindol noong Disyembre 15. ­(Juliet de Loza-Cudia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More