Una sa Balita

VM Joy Belmonte rumesbak kay Morato, tabloid

0 377

NAGSAMPA ng kasong libel si Vice ­Mayor Joy Belmonte laban sa isang tabloid na nag-ulat na siya umano ay may ginawang katiwalian upang makinabang ang kanyang mga kapatid.

Mariing pinabulaanan ni Belmonte ang iniulat ng tabloid na Saksi Nga­yon noong Pebrero 15, kung saan siya inakusahan na nagpasa ng resolusyon na pabor sa tatlo niyang kapatid.

Kasama sa mga kinasuhan ni ­Belmonte ang dating Philippine ­Charity Sweepstakes Office chairman na si Manoling Morato, na source ng nabanggit sa istorya.

Dawit din sa kaso ang dating congressman na si Antonio Lagdameo Jr., chairman of the board ng Saksi Nga­yon, ang president at publisher ng tabloid na si Victor Rodriguez, ang reporter na si Joel Amongo, at ilan pang kasapi ng publikasyon.

Aniya, malisyoso ang nasabing ulat at wala pang basehan, dahil hindi pa binibigyan ng timbang ng Office of the Ombudsman ang inihaing reklamo ­laban sa kanya.

Dagdag pa ni Belmonte, bilang Bise Alkalde, wala siyang kapangyarihan na magpasa ng resolusyon mag-isa, dahil ito ay gawain ng buong konseho.

Hindi rin aniya siya ang presiding officer nang maipasa ang resolusyon at, hindi rin makikita ang kanyang pirma.
Ayon kay Belmonte, napagpasyahan niyang magpasa ng kaso laban sa tabloid at kay Morato dahil marapat ­labanan ang mga nagpapakalat ng “fake news.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy