Una sa Balita

Viva Señor Nazareno!

By , ,
0 16,275

Inaasahang dadag­sa ngayong araw ng Martes ang may 19 milyong deboto, base na rin sa pagtataya ng mga awtoridad, para sa Traslacion ng Itim na Nazareno mula sa Quirino Grandstand sa Rizal Park pabalik sa Quiapo Church.

Matapos magtiyaga sa napakahabang pila ay nakahalik din ang lala­king ito sa imahe ng Itim na Nazareno sa Quirino Grandstand kahapon. (Jonas Sulit)

Tiniyak ng pulisya na bantay-sarado nila ang Quirino Grandstand at maging ang Quiapo area upang matiyak na magiging mapayapa at ligtas ang pagdaraos ng taunang prusisyon.

Bukod sa mga pulis, magdaragdag din ng puwersa mula sa Armed Forces of the Philippines. Kahapon pa lang ng umaga ay sinimulan nang ipakalat ang mahigit 1,000 sundalo para maging katuwang ng Philippine National Police sa pagbibigay ng seguridad sa Traslacion ng Itim na Nazareno ngayong taon.

Alas-sais ngayong umaga inaasahang magsisimula ang prusisyon mula sa Quirino Grandstand pabalik sa Quiapo Church pagkatapos ng isang misa na gaganapin ng alas-singko ng mada­ling-araw.

MGA DAPAT IWASAN AT BAWAL DALHIN

Para na rin sa kaayusan at kaligtasan ng mga debotong sasama sa prusisyon, pinayuhan ni Quiapo Church parish priest Msgr. Hernando Coronel ang mga may iniindang sakit, buntis, senior citizens at mga bata na huwag nang sumama sa Traslacion para maiwasan ang anumang kapahamakan na maaari rin maging dahilan ng kamatayan.

“Mag-aalay na lang ng panalangin ang Simbahan ng Quiapo para sa kanila. Alam naman natin na bawat deboto ay may kahi­lingan pero sa safe distance tayo, ‘wag nang umakyat sa andas,” ayon kay Coronel.

Iwasan rin aniya ang pagsama sa prusisyon kung nakai­nom ng alak dahil isa umano itong kawalan ng respeto sa Itim na Nazareno.

Iwasan din ang pagkakalat sa kalsada habang nasa prusisyon dahil mara­ming deboto na nasa Traslacion ang walang suot na tsinelas at maaring makasugat sa paa ang mga itinapong bote at sticks.

Iwasan rin aniya ang pagdadala ng ma­laking halaga ng pera, cellphone at pagsusuot ng mga alahas dahil maraming masasamang elemento ang posibleng sumasama sa prusisyon para samantalahin ang pagkakataon upang gumawa ng masama sa kapwa.

Ipinagbawal naman ng MPD ang pagdadala ng backpack at pagsusuot ng sombrero ng mga deboto na sasama sa Traslacion. Maaari naman umanong ilagay ang mga dala sa transparent na bag na makikita ang laman.

Ayon kay MPD director Chief Supt. Joel Napoleon Coronel, sisitahin ang mga deboto at kukumpiskahin ang kanilang mga backpack at sombrero.

Nanawagan pa si Coronel sa mga deboto na makipagtulu­ngan sa mga awtoridad upang mapigilan ang anumang posibleng banta ng panggugulo sa relihiyosong okasyon bagama’t tiniyak nito na walang anumang banta ng terorismo na natatanggap ang mga awtoridad kaugnay sa pagdaraos ng Traslacion ngayong taon.

SIGNAL JAMMER SA TRASLACION

Sinabi pa ni Coronel na papatayin ang signal ng mga cellsite ngayon sa mga daraa­nan ng Itim na Nazareno pero tiniyak nito na hindi mawawalan ng signal sa buong Maynila tulad ng ginawa sa Traslacion noong 2017.

Pero nagpalabas naman ng abiso ang Globe Telecoms bilang tugon sa kautusan ng National Telecommunications Commission (NTC) kaugnay sa Traslacion na pansa­mantalang mawawalan ng mobile phone signal habang nasa prusisyon ang Itim na Nazareno.

“In compliance with the National Telecommunications Commission’s order, there will be a temporary loss of mobile signal in Manila, Caloocan, Makati, Mandaluyong, Muntinlupa, Parañaque, Pasay, Pasig, Quezon City, San Juan, Taguig, Imus, Cavite and Binangonan, Rizal during the Black Nazarene procession on January 9, starting 5:00 AM,” base sa abiso ng Globe.

12 PRAYER STATIONS

Maglalagay ng 12 prayer station sa ruta ng Traslacion na ayon kay Fr. Douglas Badong, parochial vicar ng Quiapo Church, ay isa sa mga pagbabago sa taunang Traslacion.

Tema ngayong taon ng Traslacion ang ‘Daan, Katotohanan at Buhay’ na ayon kay Fr. Badong ay naglalayong mapag-ibayo ang ispirituwalidad ng mga deboto ng Itim na Nazareno.

Kabilang sa mga prayer station ay sa Katigbak Drive, Padre Burgos, National Museum, Manila City Hall, Liwasang Bonifacio, Sta. Cruz Church, Arlegui, Manuel Luis Quezon University, San Sebastian Church, De Guzman St. at sa Globo de Oro.

Isang awit din ang iaalay sa pag-usad ng prusisyon pabalik sa Quiapo Church.

CODE WHITE ALERT

Inilagay na kahapon ng Department of Health sa code white alert ang mga pagamutan sa Maynila bilang paghahanda sa Traslacion.

Idinideklara umano ang code white alert kapag mayroong malalaking pagtitipon at may posibilidad ng emergency condition.

Maglalagay din ang DOH ng mga medical team sa ruta ng prusisyon para agad na marespondehan ang mga nangangailangan ng atensyong medikal bukod pa sa 24/7 na pagbabantay ng DOH Operations Center.

Maging ang Phi­lippine Red Cross ay magpapakalat din ng medical volunteers para magbigay ng first aid sa mga deboto na mahihilo.

RUTA BINAGO

Ngayon taon bahagyang binago ng Technical Working Committee ang ruta ng Traslacion para matiyak ang kaligtasan ng mga deboto.

Sa halip na dumaan sa east bound lane ng P. Burgos at Lagusnilad mula Quirino Grandstand ay sa west bound lane ng P. Burgos dadaan ang prusisyon dahil mas ligtas umano itong daanan base sa mga nakalipas na karanasan.

Mula P. Burgos kakaliwa sa Taft Avenue diretso sa Jones Bridge, kanan sa Dasmariñas St., kanan sa Plaza Sta. Cruz,  kaliwa sa Carlos Palanca ilalim ng Quezon Bridge, kaliwa sa Quezon Boulevard, kanan sa Arlegui, ka­nan sa Fraternal, ka­nan sa Vergara, kaliwa sa Duque de Alba, kaliwa sa Castillejos, kaliwa sa Farnecio, kanan sa Arlegui, kaliwa sa Nepomuceno, kaliwa sa Concepcion Aguila,  kanan sa Carcer, kanan sa Hidalgo diretso Plaza Del Carmen, kaliwa sa Bilibid Viejo diretso sa Puyat Street, kaliwa sa De Guzman, kanan sa Hidalgo, kaliwa sa Barbosa, kanan sa Globo de Oro ilalim ng Quezon Bridge, kanan sa Palanca, kanan sa Villalobos diretso Plaza Miranda papuntang Quiapo Church.