Una sa Balita

Viva Nazareno

By
0 443

Sa darating na Miyerkoles, ika-9 ng Enero, idaraos sa Quiapo Maynila ang Traslacion o pagbiyahe ng imahe ng Na­zareno. Bawat taon ay dinadagsa ito ng milyong-milyong mga deboto na may kanya-kanyang mga panata – ang iba para sa kanilang kahilingan; ang iba naman para magpasalamat.

Ang traslacion ay nag-ugat sa paglipat ng poon mula sa retablo mayor ng San Nicolas De Tolentino o ‘Recoletos Church’ papunta sa Minor Basilica ng Quiapo noong 1787.

Ngayong taon, inaasahang hindi bababa sa 8 milyon ang dadagsa sa Maynila para makiisa sa nasabing prusisyon, dahilan para kanselahin na ang pasok sa lahat ng antas ng paaralan, gayundin ang trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan sa lungsod. Para tumulong sa paglatag ng kaayusan, sinabi ni Philippine National Police (PNP) Metro Manila Police chief Director Guillermo Eleazar na may 7,200 na pulis ang mangangasiwa sa kaligtasan ng okasyon. Maging ang Red Cross ay magde-deploy ng mga tauhan.

Related Posts

Ngayong araw pa lamang ng Lunes, uumpisahan na ang sunod-sunod na gawain sa pamamagitan ng blessing at prusisyon ng replica ng itim na Nazareno. Umpisa alas-11:00 nang umaga, sinabi ng Manila Police District Traffic Enforcement Unit na isasara na ang Southbound lane ng Quezon Blvd. (Quiapo), mula A. Mendoza/Fugoso hanggang Plaza Miranda, at ang westbound lane ng España Boulevard umpisa P. Campa papuntang Lerma.

Ang taunang pahalik naman ay gagawin sa Martes. Isasara ang Katigbak Drive, South Drive at Independence Road umpisa nang alas-singko ng umaga.

At sa Miyerkoles, araw mismo ng Traslacion, ang mga sumusunod ay isasara umpisa alas-12:00 nang hatinggabi: Kabuuan ng Mc Arthur, Jones at Quezon Bridge; Roxas Boulevard mula Katigbak Drive hanggang TM Kalaw; magka­bilang lane ng Quezon Blvd. mula A. Mendoza/Fugoso; southbond ng España / P. Campa St.; at northbound ng Taft Avenue/Ayala Blvd.

Ibayong pag-iingat ang kailangan para maging maayos ang Traslacion. Nawa ay ligtas na maisagawa ng mga deboto ang kanilang panata at tanda ng kanilang pana­nampalataya.