Una sa Balita

Viral

By
0 116

Halos hindi na nagbago ang kahulugan at baybay ng salitang ‘virus’ buhat nang gamitin ito ng mga Latin ilang siglo na ang lumipas na pantumbas nila sa salitang lason. Lason buhat man sa hayop o halaman.

Mula noon, hanggang sa dulo ng nakalipas na milenyo, lumaganap ang salitang virus bilang uri pa rin ng lason: mik­robyo, sakit, o impeksyon sa katawan ng tao o hayop na lumaganap sa iba’t ibang paraan at dapat pigilan kung hindi man tuluyang puksain upang hindi magkaroon ng epidemya o, mas malala, pandemic.

Ang paglaganap ng mikroskopikong virus ay maaaring sa pamamagitan ng hangin, tubig, talsik ng kung anong likido buhat sa katawan ng maysakit, pagdidikit ng balat, pagsisiping, pagsasalin ng dugo, at iba pang epidemyolohikal na paraan upang lumaganap ang sakit o lason sa mortalidad.

Pero nang dumagsa ang electronic technology at platform, nitong nagdaang dala­wang dekada, nagbagong kahulugan ang ‘virus’ bagama’t hindi ito nalalayo sa impeksyon o lason.

Ang uri ng virus na ito ay para sa mga kompyuter o gadget na naiimpeksyon ng mga malware na sumisira (nang-iimpeksyon) sa mga file kung hindi man sirain ang mismong hardware, o kumukuha ng mga file buhat sa ibang gadget o kompyuter para palaganapin sa cyberspace, na maaari muling mai-download at makaimpeksyon.

Sa ganitong paglaganap ng elektronikong virus na nasasalin sa pamamagitan ng internet o infected drive, naging industriya na rin ang paglaganap ng elektronikong anti-virus application na mabibili depende sa kakailanganing proteksyonang file ng isang indibidwal o kompanya.

Samantala, ang pang-uring ‘viral’ ay paglalarawan naman ng mismong paglaganap ng virus, biyolohikal man o elektroniko, gamit ang isang medium o platform. Social media halimbawa.

Ang ‘viral’ na multimedia files—lara­wan, fake news, status, video, meme, gif files—na kumalat at patuloy na kumakalat gamit ang social media platform, na ipinalaganap, o isini-share mismo ng mga may social media account upang ibandera sa kani-kanilang wall nang sa gayon ay makita ng iba. Kaya kumakalat. Kaya nagi­ging viral.

Sa kasalukuyan, mahigit sa kalahati ng populasyon o 52.6% ng mahigit sa sandaang milyong Filipino ang may akses sa social media gamit ang kani-kanilang kompyuter at smartphone lalo na nang mauso ang mobile data allowance ng mababagal na telcos ng bansa.

Napag-uusapan din lang ang ‘viral,’ kamakailan ay may kumalat na video ng isang sikat na artista’t politiko. Sa napaka­ikling video, binabati ng politikong ito ang isang kaibigang magdaraos ng birthday. Lalabas sa video ang pigura ng isang babaeng mistulang hubo’t hubad.

Naging tampulan ng meme at maraming parody ang video na inalis na sa social media, bagama’t marami pa ring nakakalat sa internet.
Napakadaling ma­ging subject ng virality. Dahil napakadali nang mag-record, mag-upload, mag-download, mag-screen-grab upang ipakalat ito at ma­ging viral. Sa panahon ngayong mayroon na tayong birtwal na pag-iral, maging maingat.
Maging responsable at mabuti, higit sa lahat.

***
Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundan ninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes.