Una sa Balita

Vince Dizon Walang Puso sa Mga Aeta

0 604

KAHIT pa binandera ang kultura ng Pilipinas sa ope­ning ceremony ng Southeast Asian Games (SEAG) hindi naman umano ito nangangahulugan na may pagpapahalaga ang mga namamahala ng palaro sa mga katutubong Aeta na naapektuhan ng pagtatayo ng mga pasalidad para maisakatuparan ang biennial multi-sport event sa bansa.

Sa nakalap na liham galing sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA), kung saan tumatayong presidente at CEO si Vince Dizon, na may petsang Nobyembre 29, 2019, isang araw bago ang opening ceremony, isinasaad dito ang pagpapaalis sa mga residente na nakatira sa Brgy. Aranguren, Capas, Tarlac pagkatapos ng pitong araw.

“…Ang lupain na inyong tinitirhan o sinasaka ay nakatakda nang gamitin sa lalong madaling panahon upang ipatupad ang isang proyekto ng gobyeno na para sa higit na pangkalahatang kapakanan at pagpapaunlad ng ating bayan — ang New Clark City (NCC),” bahagi ng eviction letter para sa mga katutubo na nakatira sa lugar na pinagtayuan ng New Clark City kung saan matatagpuan ang P55 milyong stadium cauldron na binansagang ‘kalderong ginto’.

Ayon pa sa liham, matapos ang pitong araw na palugit ay lilinisin ng BCDA ang anumang istruktura na nakatayo sa lugar maging ang kabahayan, pero kung boluntaryo itong aalis ay mabibigyan sila ng tulong pinansyal.

Sa pahayag naman ng grupong Sandugo-Movement of Moro and Indigenous Peoples for Self-Determination o grupong tumutulong sa mga katutubo, giniit nitong hindi maaaring maging batayan ng BCDA na bahagi ng dating base militar ng United States ang nasabing lugar dahil naroon na umano ang mga Aeta bago pa dumating ang dayuhang sundalo.

Sinabi pa ng grupo na hindi tulong pinansyal ang kailangan ng mga Aeta dahil hindi umano ito kaila­nman sasapat para maisaayos ang buhay ng mga ka­tutubo na mas gustong na manatili sa kanilang mga ancestral land.

Nang tanungin kung magkano ang inalok na kabayaran ng pamahalaan para sa nasabing lupa ay wala pang eksaktong halaga pero mayroon umano silang natanggap na impormasyon na nag-aalok ang BCDA ng P30 kada square meter sa mga nakatira sa lugar.

Marami pang grupo ang tumutol sa hakbang ng BCDA na pinamumunuan ni Dizon, na dating tauhan ni House Speaker at Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) chairman Alan Peter Cayetano noong ito ay nasa Senado pa.

Hiningi ng Abante ang reaksiyon ng BCDA hinggil sa isyu pero wala itong natanggap na tugon.

Samantala, sa panayam naman ng Abante kay Capas Mayor Reynaldo Catacutan, giniit nito na hindi na mga katutubo ang pinaaalis ngayon ng BCDA sa nasabing barangay.

Ayon sa alkalde, 12 kubol ang itinayo sa lugar ng mga hindi naman Aeta dahil ang mga orihinal umanong katutubo rito ay nailipat na sa resettlement area sa Brgy. Kalangitan matapos mabayaran ng tinatayang P100,000 hanggang P120,000.

Ang nasabing 12 na kubol ay pinatatanggal din umano dahil isa itong ‘eye sore’ sa tinuturing na world-class na pasilidad. (With Rudy Abular)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy