Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Vilma tagumpay: Nora, Aga, FPJ, Ipe, Edu, Cesar mga sikat sa showbiz na minalas sa politika

0 194

Punung-puno ng kontrobersiya, isyu ang eleksyon ngayong 2022, kung saan marami pa ring artista ang gustong pumalaot sa politika.

Sa hindi malamang dahilan, marami pa ring artista ang nangangarap na maluklok sa puwesto.

Nandiyan nga ang mga first timer na sina Robin Padilla, Ejay Falcon, Nash Aguas, Arjo Atayde, Claudine Barretto, Richard Yap. Na kahit maganda na ang mga katayuan nila sa showbiz, mas gusto pa rin nilang pasukin ang magulong mundo ng politika.

Noon pa man ay marami na ring artista ang nagningning sa politika. Pero, marami rin naman ang nabigo.

Balikan natin ang mga artistang minsang nagtagumpay, nawalan ng ningning, at ang iba naman ay minalas na hindi talaga nakalusot, kahit gaano pa sila kasikat sa showbiz.

Sa ngayon, maikukunsiderang mabango sa publiko sina Alfred Vargas, Lani Mercado, Jolo Revilla. Sila ‘yung mga artista na kahit patakbuhin mo ngayon sa politika ay panalo pa rin.

Si Aiko Melendez naman ay hindi matatawag na talunan, na bumabalik nga ngayon bilang konsehal ng Quezon City, dahil noon nga ay mas pinili niyang mamahinga muna sa politika, at mas nag-focus sa showbiz.

May mga artista rin na roller coaster ang naging kapalaran sa politika. Nandiyan si Isko Moreno na natalo sa senado, pero nanalong mayor ng Manila, at tumatakbo ngayon bilang president.

Si Edu Manzano na hindi pinalad sa ilang ulit niyang pagtakbo sa mas mataas na posisyon.

Si Mark Lapid na hindi rin nanalo noong nakaraang eleksiyon, kahit ilang beses na ring nagsilb. Si Alma Moreno na sa unang subok sa senado ay talunan agad, bagamat naging mabango siya noon sa mga posisyon na hinahawakan niya.

Di ba nga, naging presidente pa si Alma Moreno ng League of Councilors in the Philippine.

Si Vandolph ay nanunungkulan ngayon bilang konsehal ng Paranaque.

Talunan naman si Jeremy Marquez sa pagka-vice mayor sa parehong siyudad. Pero, si Jeremy ang iniluklok ni President Duterte bilang head ng Optical Media Board.

Hindi rin umubra ang popularity ni Annabelle Rama nang matalo ito sa pagka-congresswoman sa Cebu. Bagamat sa mga rally niya ay dumog talaga ang mga Cebuano, dahil sa mga anak niyang artista.

Iba naman ang kapalaran ni Dennis Padilla, na nakapaglingkod na ng ilang taon bilang councilor sa Caloocan, pero naging mailap ang puwesto sa kanya noong huli siyang kumandidato. Ngayon ay susubok ulit siya bilang konsehal ng Caloocan.

Naging three-time mayor ng Paranaque si Joey Marquez, pero talunan siya sa pagpasok sa kongreso.

Hanggang board member lang ng Batangas ang inabot ni Christopher de Leon. At nabawian agad siya ng pagkakataong makapaglingkod sa mas mataas na posisyon nang matalo siya bilang congressman sa Batangas noon.

Bigo naman si Cesar Montano na masungkit ang posisyon bilang Governor ng Bohol noon. Ilang ulit siyang nagtangka na pasukin ang politika, pero palaging talunan, at hindi talaga para sa kanya ang politika.

Ganun din si Aga Muhlach, na natalo bilang congressman ng Camarines Sur. Matapos ang masaklap na karanasan ay hindi na siya umulit pa sa pagtakbo.

Iba naman ang kaso ni Richard Gomez, na sa mga unang sabak sa politika ay talunan talaga. Pero, nakita niyo naman at mayor na siya ng Ormoc City ngayon.

Ilang taon ding naging Alkalde ng Q.C. si Herbert Bautista at ngayon ay tumatakbo bilang senador. Abangan natin ang magiging kapalaran niya.

Ang pinakasikat na artista na naging politiko ay si former President Joseph Estrada. Na naging mayor ng Manila, pero sa huling laban niya ay natalo nga siya ni Isko.

Hindi rin pinalad ang anak niyang si Jinggoy Estrada noong huli itong kumandidato.

At siyempre, hindi makakalimutan ng lahat na kinamatayan na ng King of Philippine Movies na si Fernando Poe, Jr. ang pagkatalo niya bilang presidente ng Pinas. Pero, dahil sa kasikatan ni Da King, naging senador naman ang anak niyang si Grace Poe. Bagamat tinalo ito ni Digong sa nakaraang eleksiyon bilang pangulo ng Pilipinas.

Ang legendary singer-songwriter na si Rey Valera, hindi rin naiangat ng kanyang mga pomosong kanta, nang malaglag ang inaasahang tagumpay sa pagka-vice mayor ng Meycauyan, Bulacan.

Pinadapa naman ng dating sexy stud na si Daniel Fernando, ang mas sikat sa kanyang si Phillip Salvador sa Bulacan, nang maglaban ang dalawa sa pagka-gobernador sa nasabing probinsya.

Yes, malas din si Phillip sa politika, dahil kahit minsan ay hindi siya nanalo sa eleksiyon.

Ganun din si Nora Aunor na kahit ilang beses magtangka na maging public servant ay hindi manalo-nalo. Parang nawala na ang mga tagahanga niya noon na nagluklok sa kanya bilang superstar.

Kakaiba naman ang kapalaran ni Vilma Santos, na palaging panalo sa eleksiyon, ha!

Hindi naman sapat ang boto para kay Daisy Reyes para manalo siyang mayor ng Pateros.

Sinira ng Muntinlupa ang pangarap ng action star-director-producer na si Ronnie Ricketts na maglingkod bilang mayor.

Waging-wagi rin sa politika si Alex Castro (mister ni Sunshine Garcia), na hindi matibag-tibag sa mga posisyon na tinakbuhan niya.

Well, iba ang karera sa showbiz, at iba rin sa politika. Hindi porke sikat kang artista ay automatic na mananalo ka sa politika. (Rey Pumaloy)

Leave A Reply

Your email address will not be published.