Una sa Balita

I KNOW BETTER!: VILMA, NO REGRETS SA ‘#NOTODEATHPENALTY!’

0 80

Natutuwa si Congresswoman Vilma Santos-Recto sa pagkakatalaga sa kanya bilang isa sa members ng 2017 Metro Manila Film Festival Executive Committee. Makakasama niya ang dating kasamahan sa industriya na nami-miss din niya.

Nakatali man kasi ngayon ang kinatawan ng Lipa City sa Kongreso, gusto rin naman niyang makapagsilbi sa industriyang minahal niya noon hanggang ngayon.

“Ang session is Monday to Wednesday. Pag budget, inaabot ka ng 5 days. Pero the routine talaga, Monday-Wednesday ang session. Then sa umaga, committee hearings. Ang weekends ko, kadalasan, napupunta sa mga constituents. Umuuwi sa probinsya,” pahayag ni Cong. Vilma sa araw-araw na rotine niya, nang bisitahin siya ng ilang entertainment press.

Bilang bahagi ng bagong mundo nga­yon, ang pag-aaral ng mga batas ang madalas umokupa ng oras ng da­ting mayor at governor ng Batangas.

“Hindi biro itong hinaharap ko. Tingnan ninyo,” sabi niya at saka ipi­nakita ng tambak na batas na binabasa at pinag-aaralan.

“Pag hindi ka nag-aral, you’ll look stupid. That’s why I find time to study kasi wala na akong choice. Nandito na ako. Hindi birong pag-aralan ang mga batas. Republic Act. Malay ko naman diyan! Ha! Ha! Ha!

“Talagang I find time to study. Nagsi-seminar. At the end of the day, ayoko namang maging wall-flower ako diyan! Pero as local chief exe­cutive, sanay na ako roon. Labingwalong taon. Sanay na ako doon but this one is different!” rason ni Cong. Recto.

“You will really find time kung ayaw mong maging wallflower! Sa dami ng gagawin ko, heto, sampung committee, mi­yembro ako!” diin ng actress-congresswoman at saka inisa-isa ang komite na pinamamahalaan.

Deklara niya, “Hanggang ngayon, ako ang Chairman ng Ci­vil Service, until I get my memo na hindi na ako Chairman.” Dahil kasi sa pagboto niya laban sa death penalty, nakaamba na ‘yung pagtanggal sa kanya ng committees na hawak niya.

Nakapag-preside na siya sa hawak niyang committee. First time na nagsalita siya sa Session Hall nu’ng botohan sa death penalty bill. No ang binoto niya.

“It’s a matter of conviction. Alam ko I will take the consequences kasi sinabi nga na pag no kayo, as leaders kasi, dapat you will say yes. Eh pag hindi kayo nag-yes, lahat ng mga leader na may chairmanship, kayo ay mga ano…Nadidinig naman ninyo sa news eh.

“Pag kayo ay deputy speaker, you’ll have to leave your post, your chairmanship. Eh wala eh. It’s a matter of conviction.

“Sabi ko nga kanina, yes or no is just branding. Hindi porke nag-no ako, awayin ninyo na ako. Or pag nag-yes ka, galit ako sa ‘yo. Nanalo ang yes so let’s respect that. Kanya-kanyang opinyon eh. Every individual is different.

“May opinyon ka, eh ‘di magrespetuhan tayo. Alam kong matatalo ang no. At alam ko ang consequences! Dahil nu’ng una pa lang, sinabihan na kami. Pag nag-no kayo, tatatanggalan namin kayo pag may chairmanship kayo.

“Ganoon lang ta­laga. Ganoon ang patakaran nila, what can I do? Pero hindi para masira ang paniniwala ko sa sarili ko. I will still follow ng conscience.

“And I did my homework. I did my survey in Lipa, sa constituents ko. May mga nag-yes din sa death penalty pero at the end of the day, mas nakakarami pa rin ang anti,” paliwanag ni Cong. Vilma.

“So talagang sumugal ako. Alam ko ang kapalit!”dagdag  ng kongresista.

Once tanggalan siya ng chairmanship at membership sa committees, sibak lahat daw ang mga staff at consultants na nagtatrabaho.

“But again, sabi ko nga, it’s just a matter of conviction at paniniwala mo. Kung ito ang consequences, sinabi ko naman sa kanila na I am ready to accept the consequences.

“Pero at the end of the day, it’s better na lalakad ako na nakataas ang noo kesa lalakad ako nang nakayuko kahit natalo ka. Okay lang. At least sa sarili mo, pinanindigan ko! Irespeto natin ‘yon. Ang dami pang dapat gawin.

“Hindi naman ibig sabihin, kaaway ko na ang administrasyon!” deklara ni Congresswoman Recto.

Habang naghihintay ng oras ng session, pumasyal sa grupo ng press si Congressman Lito Atienza. Isa rin ang dating  Manila Mayor na laban sa death penalty.

“Fan na dati ako ni Congresswoman. Pero after ng botohan, lalong tumindi ang pagiging Vilmanian ko! Bilib ako sa conviction niya!” bulalas ni Cong. Atienza.

Sa ilang oras na pakikipagchikahan ni Ate Vi sa showbiz press, damang-dama sa kanyang miss na miss na niya ang unang mundong kinamulatan, huh!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy