Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Villar umamin sa DPWH korapsyon

0 417

Kinumpirma kahapon ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar na 30 malalaking contractor ang naka-blacklist na pinaniniwalaang kabilang sa sindikatong nasa likod ng malawakang korapsyon sa kagawaran.

Ito’y matapos aminin ni Villar na totoo ang mga alegasyon na may mga nangyayaring iregularidad sa loob ng kanilang kagawaran pero hindi niya ito kailanman kukunsintihin.

Sa katunayan, nilinaw ni Villar na ilang empleyado ng DPWH ang iniimbestigahan na at nasa floating status matapos nilang makumpirma na sangkot sila sa mga anomalya sa ahensya.

Pinaniniwalaang ilan umano sa mga ito ang koneksyon ng mga blacklisted na contractor para maisakatuparan ang iligal nilang mga gawain.

Si Villar ay apat na taon na sa posisyon bilang kalihim ng DPWH pero bigo pa ring masawata ang korapsiyon sa pinamumunuang ahensya.

Nauna nang sinabi ni Senator Panfilo Lacson na hindi naman lihim ang korapsyon sa mga ipinatutupad na proyekto sa DPWH na ang ilan ay kinasasangkutan din ng ilang mambabatas.

Sa katunayan ay may bansag aniya ang mga contractor sa mga corrupt na opisyal na nanghihingi sa kanila ng kickback sa ginagawa nilang proyekto.

Mabait at maginoong kausap umano ang tawag sa mga opisyal mula sa ehekutibo at lehislatibo na humihirit lang ng 10 percent samantalang matakaw naman ang tawag nila sa tumatalbos ng 20 hanggang 30 porsyento na kickback.

Balasubas at mandurugas naman ang tawag ng mga contractor sa mga opisyal na nanghihingi agad sa kanila ng advance payment.

Samantala, iginiit ni Villar na hindi naman 100 porsyento ang iregularidad sa DPWH.

Kamakailan, lumitaw sa ulat ng Commission on Audit (COA) na lantarang nalabag ng DPWH ang procurement law at agreed contract dahil sa mga hindi naipatupad at nabinbin na proyekto nito na umaabot sa P100 bilyon.

Ayon sa ulat, umaabot sa P101 bilyong halaga ng mga proyekto ang hindi naipatupad ng DPWH noong 2019 na mas mababa naman sa naitalang P118 bilyon noong 2018.

Ipinaliwanag naman ng DPWH na dahil ito sa na-delay na pagpapalabas ng capital outlay allotments na nagsimula lang noong Hunyo ng 2019 dahil na rin sa nabinbin na pag-apruba sa 2019 national budget law.

Samantala, kumbinsido naman si Pangulong Rodrigo Duterte na karamihan sa mga sangkot sa korapsyon sa DPWH ay nasa lower ranks sa ahensya.(Mia Billones)

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.