Una sa Balita

Villar binira sa madugong demolisyon

0 714

KINONDENA ng isang urban poor group ang karahasang naganap sa planong demolisyon umano sa mga naninirahan sa Sitio Malipay, Barangay Molino sa Bacoor, Cavite nitong Martes, Hunyo 18.

Sa isang joint statement, binanggit ng Atin ang Malipay at Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod na nagpadala umano ng demolition team ang pamilya Villar sa nasabing komunidad.

Dahil dito, nagkaroon ng tensyon at nagpaputok ang mga security guard sa mga residente.

“Their clear intention was to illegally and forcibly evict the residents of the community which sits on land claimed by the Villars,” ayon sa grupo.

Nanindigan ang mga residente na pag-aari nila ang lupa pero naglabas naman ng land title ang mga Villar.

Ayon sa report ng pulisya, nasawi ang security guard ng developer nang masaksak ito habang may kaguluhan. Sugatan din ang isa sa kanyang kasamahan.

Madaling-araw nang tangkaing ipasok ng developer ang dalawang heavy equipment pero hinarang ito ng mga residente na inakalang magkakaroon na ng demolisyon.

Inakyat ng mga residente ang heavy equipment para pigilan ang mga ito kaya’t nagpaputok ang mga guwardiya na ikinasugat ng apat na residente.

Sinabi ni Glory Bitalicio, chairman ng Atin ang Malipay Movement, pending pa sa korte ang usapin kaya hindi maaaring i-demolish ang 2,000 kabahayan sa pinag-aagawang lupa na tatayuan umano ng subdivision ng pamilya Villar.

Sinikap naman ng Abante na hingan ng pahayag ang kampo ni Villar pero wala pa silang nilalabas habang sinusulat ang balitang ito.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy