Una sa Balita

Villafuerte, Gonzales Nagsabog Sa ₱16B ‘Pork’

0 508

HUMANTONG sa sigawan ang mainitang pagtatalo ng dalawan­g kongresista hinggil sa mahigit P16 bilyong ‘insertion’ sa panukalang 2020 General Appropriations Act bago ito niratipikahan ng mga miyembro ng bicameral conference committee noong Miyerkoles.

Napag-alaman ng online news site Politiko (politics.com.ph) na nangyari ang insidente sa caucus ng House contingent na ginanap sa Manila Polo Club noong Nobyembre 29.

Naging mainit umano ang diskusyon sa pagitan nina Depu­ty Speaker for Finance at Camarines Sur Rep. Luis Raymund ‘LRay’ Villafuerte Jr. at Deputy Speaker for Internal Affairs at Mandaluyong City Rep. Neptali ‘Boyet’ Gonzales II dahil ginigiit ng Bicolano congressman na ituloy ng Kamara ang ‘insertion’ ng P16.345 bilyon infrastructure allocation sa pinal na bersyon ng 2020 national budget.

Ang nasabing halaga ay bahagi ng P95.3 bilyong alokasyon na binasura o na-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte nang pirmahan nito ang 2019 General Appropriations Act noong Abril.

Kinompronta umano ni Gonzales si Villafuerte kung bakit kailangan pang ituloy ng Kamara ang multi-billion ‘insertion’ sa bicameral conference committee samantalang ibinasura na nga ito ni Pangulong Duterte.

Hindi umano nagustuhan ni Villafuerte ang mga sinabi ng Mandaluyong congressman dahilan para magkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawang kaalyado ni House Speaker Alan Peter Cayetano.

Iginiit ni Villafuerte na ang nasabing pondo ay mga alokasyong tinapyas mula sa iba’t ibang congressional district na nakapaloob naman talaga sa 2019 National Expenditure Program (NEP) bago nire-align ng mga top aide ni da­ting Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, partikular ni dating Majority Floor Leader Rolando Andaya Jr. matapos ang kudeta sa Kamara noong Hulyo 2018.
Si Andaya ay kilalang kalaban sa politika ni Villafuerte.

Isang congressional insider ang nagsabi sa Politiko na si Villafuerte ang namuno sa House contingent nang isalang sa deli­berasyon ang 2020 national budget sa halip na si Davao City Rep. Isidro Ungab na siyang chairman ng House committee on appropriations.

Nagwagi umano si Villafuerte sa iginigiit nitong ‘insertion’ nang mahigit P16 bilyong alokasyon na inilarawan ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na siyang source ng 742 project ng mga congressman. (JC Cahinhinan)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More