Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Vico sinaludahan namayapang driver

0 266

Malaki ang panghihinayang ni Pasig City Mayor Vico Sotto sa pagkawala ng kanyang personal driver matapos masawi dahil sa coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay Mayor Vico Sotto, isang napakabait na tao si Mang Vener na matagal na niyang tsuper at tiwala sa serbisyo nito sa kanya at sa pamilya.

Huling nakasama ng alkalde si Mang Vener noong March 10 bago pa ito dalhin sa hospital.

“Isang mabuting asawa, ama, at kaibigan. Mahal na mahal siya ng mga tao,” ayon sa post ni Sotto sa Facebook na ipinakita ang kanyang madamdaming panghihinyang sa pagkawala ng pinagkakatiwalaang tsuper.

Makaraang malaman na positibo si Mang Vener ay agad na sumailalim si Sotto at mga staff na mga nakasalamuha nito, sa swab testing para malaman kung sila ay nahawaan din at malaking pasasalamat ng alkalde na nagnegatibo sila subalit sumailalim pa rin sila ngayon sa 14-days quarantine para masiguro ang kaligtasan.

Sinariwa pa ng alkalde na masarap kausap si Mang Vener at palaging naka-smile kahit na mainit ang kanyang ulo at napapagalitan ng batang alkalde.

“Nung hindi pa ako konsehal at nag-iisa palang siyang staff ko, kaming dalawa yung laging magkasama. Sinuyod namin ang mga eskinita’t looban ng Pasig nang kaming dalawa lang. Kwentuhan lang habang nasa sasakyan, mula umaga hanggang gabi,” kwento ni Vico.

Pinost din ng alkalde ang larawan nila ni Mang Vener, at maging ang mga netizen ay nalungkot at nagpaabot ng pakikiramay sa pagkawala nito. (Vick Aquino)

Leave A Reply

Your email address will not be published.