Una sa Balita

Vice umaming maligaya sa piling ni Calvin

‘He makes me smile, he makes me happy’:

0 1,586

Dahil birthday ng King of Talk na si Boy Abunda nu’ng October 29, isang espesyal na tsikahan ang ipinalabas sa Tonight With Boy Abunda ng ABS-CBN 2. Ang Unkabogable star na si Vice Ganda ang napiling mag-interview kay Tito Boy.

Pero, dahil nananalaytay talaga sa dugo ni Tito Boy ang pagiging TV host, na kahit siya ang dapat interbyuhin, hindi niya pinalampas ang pagkakataon, at ‘yun na nga, naisingit pa rin niyang interbyuhin si Vice Ganda.

At siyempre, ang inaasam ng marami, ang topic tungkol sa basketbolistang si Calvin Abueva ang napag-usapan nila. Unang tanong nga ni Tito Boy, ‘Sino si Calvin Abueva sa buhay mo?’

“Hahahaha! I knew it, it would be asked. Si Calvin, hahahaha, teka lang natatawa ako,” bungad na reaksiyon ni Vice.

“Si Calvin, paano ko ba ito? Teka, ‘nag-iisip ng magandang isasagot’. Hahahaha!

“Honestly, Tito Boy, hindi ko po dyowa si Calvin. Hindi ko siya dyowa kasi hindi naman kami… Kasi, para sabihin mong dyowa mo, ‘di ba, dapat ‘oh dyowa kita, ha, boyfriend kita, ha’. Hindi naman kami ganun,” saad ni Vice Ganda.

Pero, masaya siya kay Calvin? Pinaliligaya ba siya ni Calvin?

“He makes me so happy. Mabait siya sa akin. He’s one of my closest (medyo matagal niyang nabanggit­ ang salitang friends) friends now. Siya ‘yung isa sa pinakamalalapit na nakakasama ko lately. At isa siya sa mga nagpapasaya sa akin. He makes me smile, he makes me laugh, he makes me happy.”

Sabi ni Tito Boy, base sa video na napanood niya na magkasama sina Vice Ganda at Calvin, may kakaibang karinyo raw ang basketbolista.

“At saka, sobra ko siyang naa-appreciate kasi sa dina­mi-rami ng mga naging kaibigan kong players, basketball players, sa professional man, sa PBA man o sa UAAP, iilan lang doon ang naging proud na (nagsasabing) ‘malapit na malapit ako kay Vice’.

“‘Yung iba nga ni hindi nila kayang i-post ‘yung mga picture na gumimik kami, eh, magkakaibigan lang kami, ha!

“At nao-offend ako kapag iniisip ko, ‘bakit kaya hindi nila masabi na kaibigan nila ako?’ Si Calvin, he doesn’t care. Parang…

“Sinabi ko na sa kanya ‘yon dati na… Oh, yung picture… Kasi, nag-Instagram live siya. Umiiwas ako ng slight. Sabi niya, ‘bakit nahihiya ka ba?’ Sabi ko, hindi.

“Sabi ko, ‘ah gusto mo ba, oh ito sa Instagram ko, mas maraming views ito’. Sabi niya, ‘wala akong pakialam’. Hindi siya nahihiya na makita ng mga tao na malapit kami sa isa’t isa, dahil naniniwala siya na walang mali.”

Tanong ulit ni Tito Boy, saan daw ba mapupunta ang friendship nila?

“Seriously hindi ko alam, Tito Boy.”

Pero, wish mo ba na maging kayo?

“No! I just want to feel what I’m fee­ling right now.

“I just want to experience this now. And I’m happy that I’m experiencing it now. And I’m happy that he’s making me experience this now.
“‘Pag kinakausap ko nga ang audience ko, mga followers ko, sabi ko fee­ling ko matatapos din naman ito, hindi ko lang alam kung kailan, ibigay niyo na lang sa akin.

“Ibigay niyo na sa akin kasi gusto kong maging masaya, at nakukuha ko ‘yon sa pakikipagkaibigan ko sa kanya. At dahil sa kasiyahan na nakukuha ko sa pakikipagkaibigan ko sa kanya, parang mas humuhusay ako sa pagpapasaya sa inyo.

“Hindi naman ito makakabawas ng pera niyo kung magiging masaya kaming magkaibigan. Hindi naman ito makakapagpahirap sa buhay niyong lahat. So, ibigay niyo naman sa akin ito,” sabi na lang ni Vice.

Well, base sa reaksiyon ng mga nakapanood ng video na ‘yon sa YouTube, mukhang mas dumami ang taga­hanga ni Calvin. Lahat sila ay parang bumilib sa tapang ng basketbolista na ilantad ang kung anong meron sila ni Vice, at huwag ikahiya ang isang miyembro ng LGBTQ na malapit sa kanya ngayon.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy