Una sa Balita

Vice Mayor Lubigan magdedeklara sana ng pagka-mayor bago pinatay

By , ,
0 880

Ngayong araw sana ihahayag ni Trece Martires City, Cavite Vice Mayor Alex Lubigan ang planong pagtakbo bilang mayor sa 2019 elections.

Ayon sa nakalap na impormasyon ng Abante sa ilang malalapit na kaibigan ni vice mayor, nalaman na nakatakda sanang pulungin ni Lubigan ang kanyang mga kaalyado at malalapit na kaibigan para ihayag ang kanyang plano, dalawang araw bago ang kanyang kaarawan sa Hulyo 11 kung saan 44-anyos na sana ang napaslang na opisyal.

Ayon kay Police Regional Office (PRO) 4-A Director Chief Supt. Edward Carranza, politika ang kanilang tinitignang motibo ng pamamaslang kay Lubigan matapos kumalat na tatakbo bilang mayor sa 2019 mid-term elections.

Si Lubigan na nasa kanyang ikatlo at huling termino na bilang bise alkalde ng Trece Martires ay pinagbabaril sa loob ng kanyang sasakyan nitong Sabado ng hapon na ikinasawi din ng kanyang security aide.

Samantala, nag­laan ng P200,000 pabuya si Cavite 6th District Representative Luis ‘Jon-Jon’ Ferrer IV para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa bumaril at nakapatay kay Vice Mayor Lubigan at sa driver nito na si Romulo Guillermer.

Ito ang kinumpirma ni Cavite Provincial Director Sr. Supt. William Segun sa isinagawang press conference kahapon sa Camp Vicente Lim sa Calamba City, Laguna.

Ayon kay Segun, 3 person of interest pa rin ang kanilang tinututukan bagama’t wala pa silang sapat na ebidensiya sa mga ito.

Kahapon, dagsa ang mga nakikiramay sa burol ng napaslang na si Trece Martires, Cavite Vice Mayor Lubigan kung saan kabilang dito ang ilang mga konsehal at mga empleyado ng city hall matapos ang tradisyunal na flag raising ceremony.

Nakiramay na rin ang buong hanay ng Philippine National Police (PNP) maging si PNP Chief Dir. Gen. Oscar Albayalde na hindi man personal na nakarating sa burol ay nagpadala ng bulaklak bilang pakikidalamhati sa pamilya-Lubigan.

Hanggang sa mga oras na ito ay wala pang natutukoy na suspek ang pulisya na responsable sa krimen. Patuloy nilang binubusisi ang ilang CCTV footage sa mga kalapit-bayan na dinaanan ng mga gunman sakay ng itim na Toyota Hilux. ­