Una sa Balita

Vice mayor, escort todas sa La Union ambush

0 205

Patay ang vice mayor ng bayan ng Balaoan, La Union at isa nitong escort,  habang kabilang sa nasugatan ang anak nitong mayor matapos ang naganap na pananambang sa convoy ng mag-amang politiko kahapon nang umaga sa nabatid na bayan.

Nakuha pang isugod sa Balaoan District Hospital dahil sa mga tama ng bala sa katawan si Vice Mayor Alfred Concepcion at security escort nitong si Michael Julep subalit idineklara na silang dead on arrival.

Samantala ginagamot naman sa Lorma Hospital si Balaoan Mayor Aleli Concepcion na sugatan din sa pananambang.

Kabilang din sa sugatan ang secu­rity escort pa ng mag-ama na sina Roderick Urpiano, Ronniel Valdez, Joey Lopez, Dominador Bautista, at Roberto Octavio na patuloy na ginagamot sa ospital.

Sa inisyal na imbestigasyon ni Sr. Supt. Ricardo Layud, La Union Provincial Director, naganap ang insidente dakong alas-8:10 nang umaga sa Balaoan-Luna provincial road habang patungong munisipyo ang mga biktima.

Napag-alaman na sakay ng Toyota Innova na may plakang AOG 966 ang mag-amang Concepcion habang lulan ng Hyundai Starex na may plakang SHZ 467 ang mga security escort ng mga ito at Rusi motorcycle naman si Julep.

Pagsapit sa pakurbang lugar ay bigla na lang silang sinabayan ng hindi pa batid na mga suspek na armado ng matataas na kalibre ng baril sakay ng ­Toyota Rav-4 at agad pinagbabaril ang mga biktima bago mabilis na tumakas.

Ayon sa pulisya, politika ang isa sa motibong tinitingnan sa pananambang dahil ang mag-ama ay parehong tumatakbo bilang reelectionist sa kani-kanilang posisyon sa darating na mid-term election.

Sa ngayon ay nagtatag na ng Special Investigation Task Group (SITG) ang pulisya na siyang tututok sa kaso. (Edwin Balasa)