Una sa Balita

Vice Ganda 4-buwan niligawan ni Ion

0 476

Ngayong open na sina Vice Ganda at Ion Perez sa kanilang relasyon, madalas na ang tuksuhan ng mag-dyowa sa “It’s Showtime”.

Nakakatuwa nga na kapag naglalambingan sila on-stage ay maraming kinikilig na madlang people sa audience, kahit mga senior citizen ay hindi mapigilan ang ngiti dahil sa sweetness ng dalawa.

Sa segment ng “Mr. Q and A” nu’ng Nobyembre 13, naitanong ni Vice kay Anne Curtis kung gaano siya katagal nagpaligaw kay Erwan Heussaff bago naging sila.

Blooming na blooming si Anne ngayong buntis siya, at sinagot na mga isang taon at kalahati raw ang naging ligawan stage nila noon ng asawa niya.

Siyempre, hindi naiwasang maitanong ni Anne kay Vice kung gaano siya katagal sinuyo ni Ion. Pero dahil nahihiyang sumagot, ipinaubaya na ng Unkabogable Star sa boyfriend niya ang pagbibigay ng sagot.

“Matagal-tagal din, ate,” sagot ni Ion kay Anne. “Matagal-tagal ko ring nakuha ang oo niya,” sabay ngiti at sinabing apat na buwan daw silang nasa getting to know stage bago maging sila.

Natutuwa kami sa dalawa dahil hindi naman araw-araw ay may napapanood tayong totoong LGBT couple sa TV, hindi lang sa mga teleserye na alam naman nating fictional o kathang-isip lang ang mga karakter.

Kahit nga sa mga video ng “It’s Showtime” na ina-upload sa YouTube, maraming netizens ang nagkukumento na kinikilig sila at deserve ni Vice ang sumaya.

Siyempre, hindi maiiwasang may iilang bashers, pero para sa amin, mahalagang ehemplo ang dalawa sa mainstream entertainment para sa LGBT community. Kumbaga, love is love… at walang kokontra! (Dondon Sermino)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy