Una sa Balita

Velasco tinambakan si Cayetano sa show of force

0 527

Tinatayang 150 kongresista ang dumalo sa dinner na inihanda ni Davao City Representative-elect Paolo Duterte kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Ginawa ang dinner nitong Martes sa Presidential residence sa loob ng Bahay Pagbabago sa San Miguel, Maynila kung saan dumalo rin si Pa­ngulong Rodrigo Duterte.

Kung pagbabasehan ang dami ng dumalo sa dinner, tambak na si Taguig Representative-elect Alan Peter Cayetano sa bilangan ng boto sa speakership race.

Nag-host din si Cayetano ng seminar-workshop sa Clark, Pampanga nitong Martes nang hapon pero nasa 30 hanggang 50 kongresista lamang ang dumalo.

Kung dalawa lang ang maglalaban bilang Speaker, kailangan ang boto ng 153 kongresista para manalo.

Sa ngayon ay lima ang kandidato para speaker pero isa sa kanila sa katauhan ni Pampanga Rep. Aurelio ‘Dong’ Gonzales ay dumalo sa dinner para kay Velasco.

Napag-alaman na binitbit ni 1Pacman Party-list Rep. Mikee Romero ang 40 miyembro ng Party-list bloc sa nasabing dinner.

Noong nakaraang linggo lamang ay aksidenteng pinadala ni Romero sa Viber group ang pangalan ni Velasco bilang sinusuportahan umano niyang kandidato bilang speaker.

Subalit nang tanungin din, hindi naman niya ito kinumpirma o itinanggi maliban sa pagsasabing isa lamang ang boto niya. (JC Cahinhinan)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy