Una sa Balita

VAT SA SENIORS, PWDs PINALAGAN

By
0 7

Umalma si dating Senate President Aqui­lino “Nene” Pimentel Jr. sa plano ng Department of Finance (DOF) na pagbayarin na ng 12 percent Value Added Tax (VAT) ang mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs).

“Dadagdagan pa nila ang problema ng senior citizens,” himutok ng 82-anyos na ama ni Senate President Aqui­lino “Koko” Pimentel III matapos du­malo sa isang Senate hearing kahapon.

Nitong Lunes ng gabi, iprinisinta ni DOF Secretary Carlos Dominguez sa pitong senador ang tax reform program ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa nasabing pulong ay inilahad ni Dominguez na handa silang ­ibaba ang personal and corporate income tax subalit para mabawi ang mawawalang revenue ay papatawan naman nila ng VAT ang senior citizens at PWDs at iba pang ­revenue measures.

Sa ngayon ay exemp­ted sa pagbabayad ng 12 percent VAT ang senior citizens at PWDs.

Tiniyak naman nina Sens. Juan Miguel Zubiri at Ralph Recto na haharangin nila ang hakbang ng administrasyon na patawan ng VAT ang mga lolo at lola.

“Hindi ako pabor ­diyan. Marami ang hindi matutuwa diyan,” babala ni Zubiri.

“Dapat maghinay-­hinay tayo diyan. Lalo na sa senior citizen at persons with disabilities,” giit naman ni Recto.

Bukod kina ­Zubiri at Recto, kasama rin sa nasabing pulong sina Se­nators Richard Gordon, Alan Peter Caye­tano, JV Ejercito, Cynthia Villar at Joel Villa­nueva.

“Wala pang pinag-usapan kung ilang percent ang ibababa,” wika ni Gordon nang matanong sa kinalabasan ng miting.