Una sa Balita

Vargas mamamangka sa dalawang ilog

By
0 794

Mamimili lamang si Ricky Vargas sa pagitan ng Philippine Olympic Committee at Philippine Basketball Association pagdating ng tamang panahon.

Iyon ang pahayag ni Vargas matapos lumutang ang posibilidad na pwede niyang isabay ang mamuno sa dalawang importanteng organisasyon.

“I’ll cross that bridge when I get there,” saad ni ­Vargas nitong Huwebes habang special guest ng PBA Press Corps Christmas party sa Sambokojin-West Ave­nue, QC.

Inihalal si Vargas na bagong chairman ng PBA para sa ika-43 season ng liga noong Disyembre 17 at itinuturing na liyamado sa POC elections re-run na gaganapin sa Peb. 23.

Bagama’t ang trabaho ng PBA chairman ay karaniwang mamuno sa Board meetings, ang POC president naman ay full-time job na kaila­ngang pag-ukulan ng buong panahon.

Ayon sa desisyon ng Pasig-RTC wala pang dalawang linggo ang nakararaan, kwa­lipikado si Vargas, pinuno rin ng Alliances of Boxing Association in the Philippines, na kumandidato sa pagka-presidente ng POC kalaban ang nakaposisyong si Jose ‘Peping’ Cojuangco, Jr.

Nanalo para sa kanyang pang-apat na four-year term at walang kalaban si Cojuangco noong Nobyembre 2016 matapos i-disqualify si Vargas at ang running mate na si Abraham Tolentino ng cycling sa pag-chairman ng mga alipores ni Cojuangco na nagmando sa POC election committee.

Pero dahil sa pagtapos ng Pilipinas na pang-anim sa 29th Southeast Asian Games, ang pinakamasamang powesto ng bansa sa loob ng 18 taon, lumabas ang pagkadismaya ng maraming sports leaders sa panunungkulan ni Cojuangco.

Ang ilang national sports associations, tulad ng football, dragonboat, volleyball, sepak takraw at swimming ang hayagang nanawagan para sa pagbibitiw sa puwesto ni Cojuangco.