Una sa Balita

Valentine’s sa Siayan ngayong Pebrero

By
0 1,253

Bumuhos ang mga bulaklak at tsokolate nitong nakaraang Miyerkoles nang ipagdiwang ng buong Pilipinas ang ­Valentine’s Day.

Ngayong taon, ibang klaseng Valentine’s ang naranasan ko nang magtungo ang Angat Buhay team sa Siayan, Zamboanga del Norte.

Naging saksi ako sa isang Kasalang Bayan sa Brgy. Poblacion sa Siayan. Hindi bababa sa 67 na couples ang sabay-sabay na nagtungo sa Siayan Municipal Hall para magpakasal at ipakita sa mundo ang kanilang pagmamahalan.

Abante Hiring – IT dep

Napakasimple ng naganap na kasalan, ‘di tulad ng mga nakikita natin sa telebisyon o sa internet. Hindi magarbo, pangkaraniwan lang pero kitang-kita kong taimtim at seryoso ang bawat bride at groom sa seremonya.

Maliban sa kasalang bayan na pinuntahan namin, nagtungo rin kami sa Siayan para magpakita ng suporta at magbahagi ng pagmamahal sa ating mga kababayan doon.

Sa pamumuno ni VP Leni Robredo, patuloy ang Angat Buhay program para tulungan ang ating mga kababa­yang nasa pinakamalalayo, pinakamaliliit, at pinakamahihirap na komunidad sa ating bansa.

Sa ilalim ng Angat Buhay at sa tulong ng aming partner na Yellow Boat of Hope Foundation (YBH), nakapag-turn-over kami ng isang dormitory para sa mga high school student.

Sa Siayan National High School nakapagpatayo ng isang dormitoryo kung saan naninirahan ang 25 students na hindi kayang magbalikan mula sa kanilang bahay patungong eskuwela. Hindi na nila kailangang maglakad ng kilo-kilometro at tumawid ng dalawang ilog para makapag-aral.

Kasama ng dormitor­yo ang computer set at carpentry power tools para sa mga estudyante.

Sa araw ng turn-over, kasama namin si VP Leni at kitang-kita ko ang mga mukha ng bawat guro at estudyante ng Siayan National High School kung gaano ang pasasalamat nila sa mumunting re­galong dala namin.

Sa pagbisitang ito, dumaan din kami sa Livelihood Training Center sa Brgy. Poblacion para makipag-usap sa mga kababaihang nanga­ngailangan ng tulong para sa iba’t ibang livelihood assistance.

Maliban sa iba pang pagsasanay, kailangan din ayusin ang ibang pasilidad sa loob ng training center. Dahil mayroong ibang nag-aaral ng meat proces­sing, kailangan ng pasilidad para dito. Kabilin-bilinan sa akin ni VP Leni ay maghanap ng paraan para matulu­ngan sila na makakuha ng dagdag na gamit para sa kanilang mga negosyo.

Sa pagdalaw namin sa Siayan para sa kasalang bayan, turn-over, at pagbisita sa Training Center, iisa ang tumatak sa akin: napakalaki ng nagagawa ng pagmamahal sa pagsisikap nating ayusin ang ating bayan.

Pagmamahal para sa kapwa, pagmamahal para sa bayan – ito ang klase ng pag-ibig na tumambad sa akin nga­yong Valentine’s.