Una sa Balita

Uzi sub machine gun, 2 kalibre .38 baril, 38 sachet ng shabu nasamsam

By
0 238

Arestado ang isang lalaking high va­lue target ng Eastern Police District (EPD) matapos na mahulihan ito ng matataas na kalibre ng baril at aabot sa 38 sachet ng pinaniniwalaang shabu sa isinaga­wang raid kamakalawa nang gabi sa Palatiw, Pasig City.

Ayon kay Sr. Supt. Bernabe Balba, Distric Director ng EPD, dati nang sumuko sa Oplan Tokhang ang suspek na si Efren Sulit noong nakaraang taon subalit hindi naman ito tumigil sa kanyang iligal na gawain sa pagtutulak ng iligal na droga.

Sa bisa ng search warrant na ipina­labas ni Judge Danilo Cruz ng Pasig Regional Trial Court Branch 152, sinugod ng pulisya ang bahay ni Sulit, isang mekaniko, sa 264 M. Suarez Avenue, Barangay Palatiw ng nabatid na lungsod dakong alas-sais nang gabi.

Sa paghahalughog ng pulisya sa bahay ay nakumpiska sa pag-iingat nito ang isang Uzi sub machine gun, dalawang kalibre .38 baril at 38 sachet ng shabu na tinatayang aabot sa 10 gramo ang kabuuang dami at may street value na P25,000.

Sa ngayon ay patong-patong na kaso ang isinampa laban sa suspek na nga­yon ay nakakulong sa Pasig City PNP detention cell.