Una sa Balita

UV Express inararo ng trailer truck, 5 pasahero nasaktan

By
0 199

Nagtamo ng mga sugat at pasa ang limang katao kabilang ang driver  nang mag-’beating the red light’ at banggain ng trailer truck ang kanilang sinasakyang UV Express kahapon ng madaling-araw sa Ermita, Maynila .

Dinala sa Philippine General Hospital (PGH)  ang mga biktima na sina Jaime Narciso, 53, at kanyang live-in partner na si Julie Rose Madrana, 25, kapwa residente ng Pasong Tamo, Quezon City, gayundin ang driver ng UV Express na si Noel Amarmenes, 46, residente ng Marikina City.

Habang hindi na nakuha ang pangalan ng dalawa pang biktima nang hindi na abutan  ng mga imbestigador sa pagamutan matapos na kaagad na payagang makauwi ng mga doktor dahil minor injuries lamang umano ang tinamo ng mga ito.

Iniimbestigahan naman sa Vehicular Traffic Investigation Section (VTIS) ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) ang suspek na si Petronilo Nilooban, 53, at residente ng Sariaya, Quezon na tsuper ng trailer truck.

Naganap umano ang aksidente dakong alas-kuwatro ng madaling-araw sa Taft Avenue, kanto ng Ayala Boulevard sa Ermita.

Sinabi ni PO2 Benito Mateo, imbestigador ng VTIS, sakay umano ang mga biktima ng UV Express na may numerong 137705, nang pagsapit sa naturang lugar ay big­la na lang silang banggain ng trailer truck, na pagmamay-ari ng Glory Trucking Services na may plakang EUE-4683.

Sa lakas ng impact ng pagbangga ay tumagilid, nawasak at nagkabasag-basag ang salamin ng van at nagtamo rin ng sugat sa ulo, braso, binti at katawan ang mga sakay nito.

Ayon sa ilang saksi, mabilis ang takbo ng truck na dumiretso kahit na naka-red ang traffic light kaya’t nabangga nito ang UV Express.

Tinangka pa umano ng driver na tumakas pero naharang at naaresto rin pagsapit sa United Nations Avenue at dinala sa MDTEU.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More